Mga bumili ng ticket sa concert ni Ai Ai puro fans ni Ser Chief
TATLONG taon nang nagpapa-post Chinese New Year celebration si Richard Yap o mas kilala bilang si Papa Chen at Ser Chief para sa entertainment press kaya hindi na kami magtataka kung bakit mahal siya ng media – marunong kasi siyang magpasalamat sa mga taong nakakatulong sa kanya simula nang pasukin niya ang showbiz.
At the same time para makatsikahan na rin ng mga reporter ang tsinitong aktor dahil bihira rin naman siyang makapanayam.
Noong Sabado ginanap ang pa-thanksgiving ni Ser Chief pag-aari nilang Wang Fu Restaurant at dito nga niya nilinaw ang isyung mukha siyang pera kaya umatras siya sa nakanselang Valentine show nila ni Ai Ai delas Alas noong Peb. 12.
Mabilis na sabi ni Richard, “It’s a standard operation procedure (sop) na dapat may downpayment talaga sila.” Ang management agency daw ni Richard ang nagdesisyong huwag nang tanggapin ang show dahil mahirap kausap ang producer.
Sa panig naman ng producer ay ipinakita ni Jacob Fernandez ang isang dokumento sa mga katotong nag-interbyu sa kanya na kaya raw niya kinansela ang show ay dahil kulang sa preparasyon at 56 tickets lang ang nabenta at aasa sana sila sa walk-in, pero sa bandang huli ay nagdesisyon na rin silang huwag nang ituloy ang concert.
Ang nakarating naman sa amin, ang nabentang 56 tickets ay puro fans daw ni Richard Yap at nang malamang hindi na kasama ang aktor sa show ay nag-urungan na lang at ibinabalik na ang tickets.
“Kasi, people who bought the tickets were expecting to see me there (show), siyempre kung ako lang ang gusto nilang panoorin, siyempre magba-back out sila. Of course hindi mo ma-expect na manonood sila kung ayaw nila sa iba.
“I don’t think it was because of that, kasi I’m sure sina Ms. Ai has own audience naman, failure lang talaga buuin ‘yung concert kasi hindi nabayaran ‘yung venue, hindi nabayaran ‘yung mga tao, paano kayo mag-continue with the concert, saka hindi rin naman nila ibinalik ‘yung bayad, ‘yung iba nagrereklamo, hindi ni-refund.
Mayroon din yata ni-refund, I’m not sure,” pahayag ni Richard. Maswerte pa rin ang 2014 kay Richard dahil bukod sa successful ang kilig-serye nila ni Jodi Sta. Maria na Be Careful With My Heart ay blockbuster din ang pelikula nila ni Vice Ganda na “Praybeyt Benjamin 2” at sa pagpasok naman ng 2015 ay may bago na uli siyang serye kasama si Judy Ann Santos.
Pina-feng shui ba ng management company ni Richard ang mga makakasama niya sa project dahil magkatunog ang Jodi at Judy? “Ha-hahaha! Hindi naman, nagkataon lang,” natawang sagot sa amin ni Mr. Yap.
Wala pang ideya ang tsinitong aktor kung ano ang kuwento ng serye nila ni Juday dahil this week palang ang story conference handog ng Dreamscape Entertainment sa pamumuno ni Deo T. Endrinal kasama sina Julie Ann Benitez, Kylie Manalo-Balagtas at Rondel Lindayag.
May dalawang pelikula ring gagawin si Richard sa 2015 na ayaw pa niyang banggitin dahil kasalukuyang binubuo pa, pero ang isa sa direktor ay si Wenn Deramas.
May tatlong operational restaurant na rin siya ngayon at may itinayo ring pet store sa Parañaque City. Sa kasalukuyang estado ngayon ni Richard ay wala na raw siyang mahihiling pa kundi para sa mga anak niya na parehong nag-aaaral pa.
“I want to see my kids to be successful on their chosen careers someday,” pahayag ng aktor.
Wala na ring planong dagdagan nina Richard at Melody ang dalawa nilang anak na edad 18 at 11. Sinubukan ng katotong Roel Villacorta na baliin ang pagiging pormal ni Ser Chief kaya tinanong kung paano kino-control ng mag-asawa na hindi na madagdagan ang kanilang mga anak.
“Wala lang, we just do the right thing, no contraceptives, no whatever kasi mahirap kapag may iniinom ka, may pinapasok sa katawan mo, it’s just natural,” sagot naman ng aktor.
Sa madaling salita ay gumagamit ng condom at rhythm method si Richard. Halatang nailang ang aktor sa pagsagot, “Ano (sabay natigilan), basta, natural lang.”
“Rhythm method?” hirit ulit ng katotong Roel, “Yes, yes,” natawang sagot ng aktor. Bakit natatawa siya kapag napag-uusapan ang tungkol sa family planning? “E, kasi baka ‘yung mga nagbabasa mailang. Ha-hahahaha!”
At humirit na rin kami kung may kumuha na kay Richard na mag-endorse ng underwear, “Ha-hahahaha! Wala pa naman,” humalakhak na sagot ng aktor na halos hindi na makita ang mata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.