Coco sa relasyon nila ni Julia: Wag nating pangunahan baka maudlot! | Bandera

Coco sa relasyon nila ni Julia: Wag nating pangunahan baka maudlot!

Reggee Bonoan - February 19, 2015 - 02:00 AM

coco martin
Nakakatuwa si Coco Martin dahil para siyang hayskul na kinikilig kapag tinatanong na tungkol sa leading lady niyang si Julia Montes. Magsasama  uli ang dalawa sa Wansapanataym Presents: Yamishita’s Treasures handog ng Dreamscape Entertainment headed by Deo T. Endrinal.

Pagkatapos kasi ng presscon para sa nasabing programa ay kinorner ng entertainment press si Coco na katabi naman that time si Julia na pangiti-ngiti lang at halatang kinikilig din sa mga naririnig niyang sagot ni Coco tungkol sa kanya.

Biniro namin ang dalaga ng, “Kinikilig ka Julia” kaya bigla itong namula sabay sabing, “Awkward kasi tinatanong ninyo siya na nandito ako!”

Nabanggit ni Coco na special request talaga niya si Julia na makasama sa Wansapanataym kaya naman binalingan siya ng tanong kung bakit sa rami ng naging leading lady niya ay ang dalaga ang napili niya? Anong mayroon si Julia na hindi niya makalimutan?

Susme, parang pusang hindi maihi si Coco sa hiya at nalaman din na dumalo pala ang aktor sa premiere night ng pelikulang “Halik Sa Hangin” na pinagbidahan nina Julia, JC de Vera at Gerald Anderson.

“Pinahihirapan ninyo ako, eh. Ha-hahaha!” Dagdag pa ng binata, “Ganu’n naman ang tao, ‘pag gusto mo ang isang bagay, (may dahilan). Tama na! Ayun na lang!” nahihiya pa ring tugon ni Coco.

Nang makabuwelo na si Coco sa sunud-sunod na tanong sa kanya ng press ay sumeryoso na ito sabay sabing, “Ganu’n naman ‘pag sa proyekto, ‘di ba? Pag may nakikita kang nababagay sa role? After din nu’ng napanood ko siya sa ‘Halik Sa Hangin’, talagang sobrang galing na galing ako sa kanya.

Sabi ko, sana magkasama ulit kami ni Julia. “Nu’ng nakita ko ‘yung calendar ko na hindi kami magkakasama this year, at least dito sa Wansapanataym, magkakasama pa rin kami,” paliwanag ni Coco.

Matatandaan na noong nagtambal sina Coco at Julia sa pelikulang “One Moment In Time” ay pilit silang tinatanong sa presscon kung ano ba talaga ang real score sa kanila dahil nu’ng panahong iyon ay malabo na ang relasyon ng aktres sa aktor na si Enchong Dee.

Ang tsismis, si Coco raw ang dahilan ng paghihiwalay dahil nagselos si Enchong. Hindi na namin nakausap sina Coco at Julia tungkol dito, kaya sa pagkakataong ito, may linaw na ba kung ano talaga ang relasyon nina Coco at Julia? “Wala pa naman,” sabay tawa ni Coco.

So, “wala pa naman”, ibig sabihin ay on the process na? “Nakakatuwa, kasi may mga tao na sila pa ‘yung nae-excite para sa amin. Nakakatuwa din kasi, ibig sabihin, effective kami sa bawat proyekto na ginagawa namin.”

At dahil marami pang ikut-ikot ang sagot ni Coco tinanong na namin ng diretso kung naging sila o sila na ngayon. Natawang sagot ni Coco, “Pinapangunahan e, mauudlot e. Hindi, hindi pa.”

So posibleng mag next level na ang samahan at biglang nag-seryoso ang aktor, “may mga bagay na hindi dapat minamadali at iba’t iba ang proseso ng tao.

Marami pa kaming priorities and ayokong mag-take advantage na pag nasa soap or magkasama kayo ay manliligaw ka. Ako ang gusto ko, if ever lang, ang gusto ko, kung ano man ako, ‘yun ang magugustuhan niya sa akin.

Walang pretentions na parang gentleman ka lang,” katwiran ng aktor. Samantala, magsisimula na ang Wansapanataym Presents: Yasmishita’s Treasures sa Abril at posibleng tumagal hanggang Hunyo.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Makakasama nila rito sina Eddie Garcia, Nonie Buencamino, Ryan Bang, Bing Loyzaga at Angel Aquino sa direksiyon ni Avel Sunpongco.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending