Kathniel fans gumagastos ng malaking halaga para kumita ang pelikula nina Dj at Kath
Nakakabilib talaga ang supporters nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, ang grupong KathNiel KaDreamers na may iba’t ibang chapter sa buong Pilipinas pati na sa ibang bansa dahil bago pa lang umpisahan ang shooting ng pelikulang “Crazy Beautiful You” ay plantsado na ang pa-block screening nila sa iba’t ibang sinehan sa Metro Manila.
Nakatakda ang block screening ng “Crazy Beautiful You” sa Peb. 25, Miyerkules sa The Podium, 6 at 8 p.m. at sa Peb. 28, sa pareho ring oras at sinehan. Handog ito ng grupong KathNiel KaDreamers na nakatalaga dito sa Metro Manila.
Nakatsikahan namin ang isa sa admin ng KathNiel KaDreamers na si Ruby Ticzon ng Iloilo at Canada chapter na maski raw nasa ibang bansa siya ay monitored niya lahat ng nangyayari kina Daniel at Kathryn.
Lima raw silang admin ng KathNiel Ka Dreamers na binubuo naman ng 82 chapters worldwide. Aniya, nagsimula raw nilang hangaan sina Daniel at Kathryn simula pa noong una nilang programa na Growing Up.
“Ang main admins po namin ay si Sheeryl ng Quezon City chapter, Marie naman sa Cagayan de Oro at Dubai, Carla naman sa Tarlac at US at si Claire ng Taguig at Cebu, nadagdag po now si ate Agot, siya ang in-charge sa Laguna,” sabi pa sa amin.
Ang KathNiel KaDreamers din daw ang unang nagpa-block screening ng mga pelikula nina DJ at Kath tulad ng “24/7” noon.
Wala naman daw isyu ang grupo nina Ruby sa ibang grupong sumusuporta rin kina Daniel at Kathryn dahil ang katwiran nila ay iisa lang naman ang hangarin nila, ang suportahan ng lahat ng proyekto ng dalawang bagets.
“Maski saan po pumunta ang KathNiel, may mga grupo po kaming nakaabang sa kanila all over the Philippines at maski sa ibang bansa po,” kuwento ni Ruby na limang taon nang naninirahan sa Vancouver, Canada.
Nabanggit din na nagkaroon ng show sina DJ at Kath sa Alberta, Winnipeg at Vancouver at talagang maraming KathNiel KaDreamers daw ang sumuporta.
Group effort daw lahat ang ginagawa nila, “Tulung-tulong po kaming lahat para maging successful ang block screening,” sabi pa ni Ruby.
At tungkol naman daw sa funding, “May mga tumutulong po na TFC supporters, nag-aambag po sila at sariling pera po namin, for the love lahat po ang ginagawa namin.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.