Manolo Pedrosa umamin: Wala pang karanasan sa mga babae
BUONG pagmamalaking inamin ng may-ari ng BNY clothing company na si Mr. John Mike Atienza na nakilala nang husto ang kanilang kompanya dahil sa una nilang celebrity endorser na si Gelli de Belen.
Dalawamput dalawang taon na ang BNY at 10 taon daw naging endorser si Gelli simula noong bagets pa ito at dahil may edad na nga ang aktres kaya kinailangan na siyang palitan.
“Young ones kasi ang kine-cater namin so we decided to get another endorser. Pero maski na wala na si Gelli, pinapadalhan pa rin namin siya ng clothes, natapos lang noong 2006 yata,” say ni Mr. Mike.
Ilang beses na rin kaming nakadalo sa presscon ng nasabing produkto at napansin naming loyal sila sa kanilang mga endorser tulad nina Martin del Rosario at Coleen Garcia na tamagal din ng ilang taon, pero nang dumating na sila sa edad na hindi na matatawag na teenagers ay kailangan na silang magbabu.
At ngayong 2015, ang mga Kapamilya teen stars naman na sina Manolo Pedrosa at Sofia Andres ang kinuha nilang bagong endorser dahil pareho na ring sikat ngayon ang dalawang bagets at regular ding napapanood sa mga shows ng ABS-CBN.
Kasama si Manolo sa Oh My G kasama sina Janella Salvador at Mario Mortel samantalang si Sofia ay ka-love triangle nina Enrique Gil at Liza Soberano sa Forevermore na talagang number one ngayon sa primetime.
Sobrang challenge nga kay Manolo na mapabilang sa BNY dahil kailangang mag-generate rin ito ng malaking pera tulad ng mga nakaraang endorsers.
Say naman ni Manolo nang maka-one-on-one namin matapos ang presscon, “Sobrang nagpapasalamat po ako kasi napili nila ako at malaking bagay po ito sa akin bilang baguhan sa showbiz kasi may magsu-supply na ng mga isusuot ko.”
Pinasok daw ni Manolo ang showbiz dahil sa udyok ng ina na rumaraket din pala sa mga commercial. “My big influence is my mom, sabi niya kasi, i-try ko raw mag-commercial, so I tried naman at okay po ‘yung toothpaste TV commercial namin, then napasok po ako sa PBB Teen Edition,” nakangiting kuwento ni Manolo.
Pero bago naman nag-Pinoy Big Brother Teen Edition si Manolo ay naging regular siya sa Spinnation ni Jasmin Curtis Smith at nakadalawang season din siya sa nasabing programa ng TV5.
“Opo, nasa background po kami, minsan po may spiels naman,” pag-amin ng binatilyo. At nang matanggap na si Manolo sa PBB ay nagpaalam na siya sa Spinnation dahil bawal na siyang makita pa sa telebisyon bilang isa sa mga official housemate.
Sa edad na disisais ay, “Never had a girlfriend and it’s not my priority now po, career and studies are my top priorities,” say ni Manolo Miguel Pedrosa.
Pilit na inili-link si Manolo kay Janella pero, “Hindi po kasi ako basta nagkakagusto, pero nagagandahan po ako sa kanya, like Julia Barretto, but matagal po bago ako magkagusto or ma-develop,” katwiran ng baguhang aktor.
Planong kumuha ng marketing si Manolo pagtuntong niya ng college para na rin makatulong sa family business nila na may kinalaman sa ham. Sa Endurun College raw sa BGC Taguig niya balak mag-enrol.
“Pipilitin ko pong pagsabayin ang studies at showbiz ko po,” say ni Manolo.
Samantala, napag-uusapan na rin lang ang Oh My G, base sa latest surbey, ang pilot episode pala nito ang pinakapinanood na daytime TV program sa bansa noong araw na iyon.
Ayon sa datos mula sa Kantar Media noong Lunes (Enero 19), pumalo ang unang episode ng teleserye nina Manolo at Janella ng national TV rating na 15.5%, o doble ng nakuha ng katapat nitong programa sa GMA na The Ryzza Mae Show (7.7%).
Bukod sa ratings, panalo rin ang Oh My G sa social networking sites tulad ng Twitter kung saan naging nationwide trending topic ang hashtag na #OhMyGTheBeginning dahil sa pagtutok ng netizens sa pagsisimula ng kwento ng karakter ni Janella na si Sophie.
Samantala, tiyak na mas mapapakapit ang mga manonood sa kwento ng Oh My G sa mga susunod na episode nito. Sa ilalim ng direksyon nina Roni Velasco at Paco Sta. Maria, ang serye ay umiikot sa kwento ng teenager na si Sophie na biglang mayayanig ang perpektong buhay dahil sa pagkamatay ng kanyang mga magulang.
Huwag palampasin ang pagpapatuloy ng pinakabagong feel-good drama series na magtuturo ng kahalagahan ng pananalig sa Diyos, Oh My G!, Lunes hanggang Biyernes bago mag-It’s Showtime sa Prime-Tanghali ng ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.