Pangarap ni Ronnie Liang tinupad ni Sarah G.
MAS gumanda ang career ni Ronnie Liang mula nang lumipat siya sa Viva Artists Agency sa pangangalaga nina Boss Vic del Rosario Veronique del Rosario-Corpus. Kaliwa’t kanan ang shows ngayon ng binata sa ibang bansa.
Nauna na siyang nag-guest sa series of shows ni Anne Curtis na “Annebisyosa” sa US at ngayon ay kasama naman siya sa shows ni Sarah Geronimo sa Middle East na may titulong “Sarah G Perfect 10”.
Naka-chat namin si Ronnie sa Facebook ilang oras bago siya lumipad patungong Doha Quatar noong Miyerkules. Una muna niyang nabanggit na kararating lang niya noong Lunes, Nob. 24 mula sa ilang buwang bakasyon sa New York at Los Angeles, California.
Say ni Ronnie, “Alis po kami ni Sarah ngayong hapon (Nov. 26) para sa series of concert sa Middle East, (Nov. 28) sa Doha Qatar guest po ako sa concert ni Sarah sa West End Park Amphitheater po ang venue. Tapos sa Dec, 1, sa Hall 7 Dubai World Trade Center naman po ang venue.”
Sa rami ng naging shows na nakasama si Ronnie ay unang beses lang pala niyang tutuntong ng Dubai, “Thankful po ako sa Viva kina boss Vic, Ma’m Veronique and boss Vincent sa opportunity na ito.
Second time ko na po sa Qatar, ‘yung una guest ako sa concert ni Anne Curtis. First time ko po sa Dubai kaya excited po ako at hindi ko akalain na matutupad ang pangarap ko na makapunta sa Middle East para mag-show at matupad ang pangarap na maka-duet ang Pop Princess na si Sarah Geronimo.”
Magiging busy daw ulit ang binatang singer sa promo ng third album niyang “Ronnie Liang Songs of Love” produced by Trex Production sa pangunguna ni direk Elwood Perez na siya ring producer ng first indie film niyang “Esoterika” at ng Universal Records. May album launching na siya sa Dec. 6 sa Fisher Mall .
At dahil narating na niya ang Amerika at Middle East, gusto rin daw niyang mag-show sa Europe, Canada at Australia, “Libre lang mangarap Reggee pero napapansin ko pag nangangarap parang dasal na rin at sa tamang panahon dinidinig ng Maykapal,” pahayag ni Ronnie.
Naibalita rin niya na may driver’s license na rin siya sa California, “Nag-exam po ako at nakapasa, sabi po sa akin, sa lahat daw ng states pinakamahigpit ang California at mataas ang standard.”
Sabi rin namin sa kanya, bongga siya dahil sila lang ni Yeng Constantino ang nananatiling may career pagkatpos nilang mag-join sa Pinoy Dream Academy Season 1.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.