Derek napaiyak sa Amazing Race
Mas lalong tumitindi ang mga challenges sa The Amazing Race Philippines 2 lalo pa’t papalapit na ang anim na natitirang racers sa finish line.
Nitong nakaraang Sabado, napaluha ang mga manonood habang pinapanood ang mag-amang sina AJ at Jody Saliba, dahil sa kanilang katatagan at determinasyong manalo sa karera.
Sa final challenge ng Leg 7 kung saan kailangan nilang magkabit ng mga duyan sa mga puno ng niyog nang hindi nahuhulog, ipinakita ni Daddy AJ na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya para mairaos ang karera nilang mag-ama.
Nalaglag ang mag-ama sa ikaanim na pwesto matapos manguna sa ikaanim na leg dahil napagdesisyunan ng apat sa lima pang mga teams na sila ang i-yield sa leg na ito.
Matapos ang mahabang oras ng paulit-ulit na pagsubok ni Daddy AJ na magawa ang challenge, bigo pa rin siya sa task. Ang masakit pa, naunahan na sila ng Team Nerds na sina Ed Manguan at Vincent Yu na nag-quit sa task at nag-decide na magpa-penalty na lang ng 90 minutes para makuha ang clue.
Nadagdagan pa ang kamalasan nila nang mapilayan si AJ matapos mahulog ang 52-year-old na ama mula sa puno ng niyog. Sa huli, nakumbinsi rin ni Jody ang kanyang tatay na tanggapin na ang kanilang pagkatalo dahil ang mahalaga ay lumaban sila hanggang sa huli.
Habang hinihintay na masentensyahan ni race master Derek Ramsay, maluha-luha sina AJ at Jody sa sinapit nilang kapalaran. Mismong si Derek din ay hindi mapigil na mapaiyak matapos ang kahanga-hangang determinasyon, katatagan at dedikasyon sa isa’t isa ng mag-ama.
Samantala, nanguna naman sa leg na ito ang Team Chefs na sina Eji Estillore at Roch Hernandez. Sinundan sila ng dating couple na sina Matthew Edwards at Phoebe Walker (2nd) at magkapatid na sina Jet at Yna Cruz (3rd).
Pang-apat namang dumating ang mga Mr. Pogi na sina Kelvin Engles at JP Duray bago ang Team Nerds at Team Mag-ama.
Tiyak na mas titindi pa ang mga susunod na eksena sa pagpapatuloy ng The Amazing Race Philippines lalo pa’t huling dalawang linggo na ng karera!
Ang Amazing Race Philippines ay mapapanood tuwing alas-9, gabi-gabi sa TV5.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.