Mga magulang napapraning sa Bagito ni Nash Aguas
Walang magulang na nakabantay habang nanonood ng Bagito ni Nash Aguas ang kakilala naming 11-year-old na bagets dahil parehong nasa trabaho ang kanyang mommy at daddy.
Bukod tanging kasambahay lang ang kasama ng bagets sa bahay na kadalasan ay parating nasa kapitbahay at nakikipagtsikahan.
At dahil teenagers ang bidang sina Nash at Alexa Ilacad na napapanood din sa Luv U ay inisip ng kasambahay ng bagets na pambata ang kuwento, wala siyang kamalay-malay na tungkol ito sa maagang pagkakaroon ng anak.
Hanggang noong Linggo ng gabi ay nakita kami ng tatay ng bagets at tinanong kami ng, “Ano ba ‘yung Bagito, totoo ba ‘yun?” na hindi namin nagets kaya’t binalikan namin ng tanong, “Anong totoo?”
Susme, tinanong kung true to life story daw ang serye ni Nash sa ABS-CBN, kaya sinabi naming base ito sa research na nangyayari ngayon sa kasalukuyan.
Kaya ito ipinalabas sa maagang oras ay para maging babala ito sa mga bagets na kung magkakamali sila sa kanilang mga desiyon sa buhay ay alam na nila ang kahihinatnan.
Hindi kumibo ang tatay ng bagets at maya-maya ay hindi na nakatiis at pabirong sinabi sa amin, “Uy, si _____ (pangalan ng anak niya), may alam na, nadatnan ko, nanonood ng Bagito at seryoso kasi pareho raw sa school niya na may crush siya pero hindi siya pinapansin kasi may ibang crush kaya naawa ako.”
Napatingin kami sa bagets at tila nahiya sa amin at nagtatakbong umakyat sa ikalawang palapag ng bahay nila. Napaisip tuloy kami kung hanggang panonood lang nga ba ang ginawa ng bata dahil bakit biglang nahiya sa amin at nagtatakbo? Tinanong namin ang tatay kung tuli na ang bata, “Hindi pa, sa bakasyon na lang tamang-tama pagpasok niya ng hayskul.”
Ano sa tingin mo bossing Ervin, bakit biglang nahiya sa amin ang bagets? May iba pa kaya siyang ginagawa? (Baka naman affected much lang siya sa crush niya. Huwag muna nating husgahan ang bagets. Ha-haha! – Ed)
Mukhang maraming nakaka-relate sa kuwento ng Bagito dahil kahit saan kami magpunta, ito na ang laging pinag-uusapan, hindi lang ng mga teenagers, kundi pati na rin ang mga parents na karamihan sa kanila ay napapraning na sa kanilang mga anak. Ha-hahahaha!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.