Ejay Falcon marunong tumanaw ng utang na loob kaya sinuswerte
TUWANG-TUWA si Direk Malu Sevilla kay Ejay Falcon dahil ang laki-laki na raw ng improvement nito pagdating sa pag-arte base sa mga naririnig niyang kuwento ng mga nakakatrabaho ng hunk aktor.
Bukod dito ay nababasa rin daw ni direk ang mga papuri kay Ejay sa mga programang nilalabasan nito katulad ng nakaraang Maalaala Mo Kaya kung saan gumanap isang preso na namaytayan ng pamilya dahil sa bagyong Yolanda.
Ayaw i-claim ni direk Malu na siya ang mentor ni Ejay pagdating sa pag-arte dahil ang katwiran niya, “Si Ejay pa rin ‘yun kasi binago niya ang sarili niya, nagpursige siya at tinulungan ko lang siyang i-motivate,” katwiran ng direktor.
Si direk Malu kasi ang direktor ng Katorse na unang serye ni Ejay kasama sina Enchong Dee at Erich Gonzales. Talagang bubot pa ang binata noon pagdating sa akting dahil kakapanalo pa lang niya noon sa Pinoy Big Brother Teen Edition.
Naikuwento ni direk Malu na talagang nahirapan siyang idirek noon si Ejay dahil hindi pa nito makuha ang gustong ipagawa sa kanya sa mga eksena, “Matiyaga ako kay Ejay kasi alam mong gusto niyang matuto at maski na kinagagalitan ko na, wala akong narinig sa kanyang reklamo.
“There was a time na literally, pinainom ko ng isang kutsarang suka para makuha ‘yung tamang expression ng asim ng mukha kasi talagang hirap siyang ibigay, so nakuha naman niya,” pag-alala pa ni direk Malu.
Isa kami sa pumupuna kay Ejay Falcon pagdating sa pag-arte at sa pagsagot nito sa mga tanong kapag may presscon dahil nakukulangan kami sa kanya, pero nang mapanood namin ang Yolanda episode niya sa MMK ay naniwala na kaming may pagbabago talaga.
Nabanggit pa ni direk Malu, “Isa pang reason why I love Ejay, kasi everytime na nakikita niya ako or pag nalaman niyang nasa taping ako before ng TodaMax, at nasa ABS-CBN siya, pupuntahan niya talaga ako at magpapasalamat ng husto na kung hindi raw sa akin hindi niya mararating ‘yung narating niya ngayon.
“Kaya sabi ko nga, ‘Ejay, you don’t need to do that kasi hindi ako, ikaw ‘yan, sarili mo ‘yan. Pero ipipilit nga niya malaki ang nagawa ko sa akting niya.
Well, that’s nice to hear from him kasi marunong tumanaw. Marami kasi ngayon di ba, parang wala lang,” ani direk Malu.
Marami rin kaming naririnig tungkol sa kabaitan ni Ejay, nakarating sa amin na hindi niya nakakalimutan ang mga kaibigan niya sa Mindoro, meaning marunong siyang lumingon sa kanyang pinanggalingan.
Ang tanong lang namin ay bakit hindi nawawala ang mga balitang meron gay benefactor kahit na ilang beses na siyang nagdenay?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.