Jed dapat hatulan ng persona non grata
Mukhang napasama pa ang sinabi sa amin ni Jed Madela na ang mga taga-Cagayan De Oro airport ang binabanggit niya sa Facebook post niya na “bunch of monkeys”.
Nasulat namin dito ang pagdedenay ni Jed na mga taga-ASAP ang tinukoy niyang mga unggoy dahil may concerned citizen na nag-react at ikinuwento sa amin na nagalit daw ang staff ng nasabing programa.
Galing kasi ng CDO si Jed dahil nag-guest siya sa show ni Lani Misalucha noong Sabado ng gabi at dahil nagmamadaling pabalik ng Maynila kinabukasan para makadalo sa rehearsal ng ASAP ay nairita ang singer dahil ang tagal daw ng pinaghintay niya sa airport at sinabi pa niyang, “sobrang higpit, kaya nakaka-stress.”
Hindi rin nagustuhan ng premyadong singer ang serbisyo ng airline na sinakyan niya pabalik ng Maynila kaya nag-post din siya na hinding-hindi na siya muling sasakay dito.
Tumawag sa amin ang taga-CDO na ayaw ipabanggit ang pangalan, “Sobra naman si Jed sa sinabi niyang bunch of monkeys kami dito sa airport, ano ba tingin niya sa sarili niya? Maski VIP, lahat dumadaan dito at tulad din ng ginawa sa kanya. Maraming pasahero kada weekend kaya matagal ang check-in. Saka talagang ini-inspect for their own safety din.
“Kung ganyan din lang siya, huwag na siyang pumunta ng Cagayan De Oro, hindi namin siya kailangan dito. Maraming sikat na artista at singers na pumupunta rito pero hindi kami tinawag na mga unggoy. Maski na naiistorbo namin sila para magpa-picture, naka-smile pa rin sila.
“Ganu’n talaga kapag mga taga-probinsiya, nagpapa-picture sa mga artista at singers kasi hindi naman kami nakakapunta ng Maynila,” sabi pa ng aming kausap.
Nabanggit pa nito na ipararating daw nila ang sinabi ni Jed sa kanilang Mayor para isyuhan ng persona non grata ang singer.
Tinext namin ang publicist ni Jed tungkol dito na si katotong Dominic Rea pero hindi pa niya kami sinasagot.
Sana maayos na ito ni Jed bago pa lumaki ang isyu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.