NAPANGITI lang si Carl Guevara nang banggitin namin na galit na galit pa rin daw sa kanya ang ex-girlfriend na si Kris Bernal, marami raw kasing hindi totoo sa mga sinabi niya sa press noong sila’y maghiwalay.
Kaya nang makatsikahan namin ang binata sa presscon na ipinatawag ng PPL Entertainment (ni Perry Lansigan na siyang nagha-handle sa kanyang career) ay ito agad ang inalam namin.
“Sa akin kasi, sinasabi ko lang kung ano ‘yung totoo, sorry kung iba ang dating sa kanya, kung ‘yung reaction niya galit siya sa akin. Walang dagdag bawas sa mga sinabi ko,” katwiran ng binata na napapanood sa musical serye ng TV5 na Trenderas.
Ang ikinagagalit pa raw ni Kris ay hindi raw totoong umabot ng dalawang taon ang relasyon nila, pero ang sabi ng aktor, “Sa akin kasi walang pulidong relasyon na hindi kayo nagkakatampuhan, pero pag naging okay kayo, continuous pa rin ‘yung bilang ng buwan (o taon) na naging kayo, di ba? Para sa akin ganu’n. Two years kami ng natapos.”
Inamin lang ni Kris na naging sila ni Carl noong malapit na silang maghiwalay kumpara sa binata na noon pa ay umaamin na.
At dahil hiwalay na kaya tinanong namin kung ano ‘yung dahilan kung bakit nauwi sa hiwalayan ang relasyon nila.
“Marami na kaming bagay na hindi na napagkakasunduan, konting bagay lang tampuhan na kaagad, tapos ang dami pang tutol sa relasyon namin,” say pa ni Carl.
For the record ay tatlong buwan at kalahati na raw hiwalay sina Carl at Kris at aminado ang binata na hindi pa siya totally nakaka-move on, “Okay naman na, pero hindi pa ako totally, pero maski paano (nakakatulong) puro ako taping, kasi may show ako sa TV5, at regular na ako sa Tropa Mo Ko Unli, may Trendereas at Wattpad Presents pa. Puro work ako. Pag free time, ginagawa kong busy ang sarili ko, basketball, gym,” kuwento ng aktor.
Para kay Carl ay sumunod naman siya sa usapan nila ni Kris kasi nga matagal pa bago niya inaming sila na.
“Ako nga, sinuway ko ‘yung management ko kasi nga wag ko raw aminin, e, management niya (Kris) parang (ayaw din) magkaiba naman kami ng management, so para lang sa akin inamin ko kasi masakit para sa akin na hindi aminin kasi karelasyon mo tapos hindi ka puwedeng maging sweet, maraming limitations. Kaya para sa akin, sabi ko, aamin na talaga ako,” kuwento ni Carl.
Simula raw ng maghiwalay ang dalawa ay hindi pa sila nagkikita o nagkakatawagan man lang, “Kahit ano wala, ni text nga wala.”
Tinanong namin kung binura na ni Carl si Kris sa social media account niya, “Ay hindi naman, hindi ako ganu’n na tao, sa akin continue pa rin kung ano ‘yung nasa phone ko, sa Instagram ko. Wala akong galit. At hindi ko naman siya naagrabyado.”
Diretsong tanong kay Carl, mahal pa ba niya si Kris, “Oo naman, mahal ko pa rin siya!” mabilis niyang sagot.
Umaasa ba si Carl na magkakabalikan pa sila ni Kris, “Hindi. Sa akin ano na, tinuldukan ko na maski na hindi pa ako nakaka-move on masyado. Saka wala akong binabalikan sa mga naging karelasyon ko.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.