Robin isasama si Kathryn sa ‘Andres Bonifacio’ pero sa isang kundisyon…
NAGSISIMULA pa lang ang shooting ng 2014 Metro Manila Film Festival entry ni Robin Padilla na “Andres Bonifacio” pero naging kontrobersiyal na agad ito dahil kina Daniel Padilla at Jasmine Curtis na kasama niya sa pelikula.
Ito’y matapos ngang kumalat sa social media ang audio/video clip ni Daniel kung saan nadamay sina Jasmine at boyfriend nitong si Sam Concepcion.
Kaya nu’ng dumalaw kami sa studio ng Talentadong Pinoy ay tinanong namin si Robin kung magka-loveteam ba ang dalawa sa “Bonifacio”, posible kasing tumindi ang galit ng fans nina Daniel at Kathryn Bernardo kay Jasmine dahil dito.
“Hindi sila magka-love team, Reggee, kasi kung gagawin namin ‘yun, e, di sa kanila na matutuon ang istorya at panonoorin ng tao, paano na ang kuwento ni ‘Andres Bonifacio’? Bawa’t isa sa kanila may kuneksyon kay Andres Bonifacio, hindi sa kanilang dalawa lang,” paliwanag ng TV host-actor.
Say sa amin ni Robin na huwag na lang patulan ang mga nagwawalang fans, “Kaya nga ako gumagawa ng makabuluhang pelikula, di sana gumawa na lang ako ng baduy na pelikula kung ganyan din lang.
“Kaya nga may Andres Bonifacio, inuubos ko ‘yung perang kinikita ko para sa makabuluhang pelikula, para pagtanda-tanda nila (fans) maiintindihan nila ‘yung ginagawa ng tito Robin nila para sa kanila dahil para sa kanila ito.
“Para pag sila ay umabot na sa punto na may mga anak na ‘yung mga tagahanga na ‘yan, sila na ‘yung magsasabing, panoorin n’yo na ‘yung pelikula ni Robin Padilla kasi may matutunan na kayo diyan,” sabi pa ni Robin.
“Ngayon, kung ipipilit ang kabaduyan, e, hindi ko magagawa, kung malalagay si Kathryn sa pelikula, hindi rin sa puntong sila ni Daniel, e, hindi na pag-uusapan si Andres Bonfacio, kung ilalagay namin si Kathryn, may kinalaman pa rin kay Andres, hindi ‘yung may kinalaman kay Daniel,” katwiran ng tiyuhin ng tinaguriang Teen King.
Nakikipag-usap daw ang manager ni Robin na si Betchay Vidanes sa Star Magic para isama si Kathryn sa pelikula sa isang role bilang representative ng kabataan.
Ang main concern daw nina Robin kaya isinapelikula nila ang buhay ni Andres Bonifacio ay para lubos na mas maintindihan kung bakit siya naging Ama ng Katipunan, para pag napanood ito ng mga magulang ay puwede nila itong ipapanood sa mga anak at sa mga magiging apo pa.
Masaya ring ikinuwento ni Robin na marami na raw producers ang pelikula, “Dati 50% ang share ko bilang producer, e, marami nang pumasok, kaya 10% na lang.
“Isipin mo sa rami ng producers at kapag hindi nagustuhan ng isa sa producer ang eksena, uulitin lahat ‘yun, kaya mantakin mo ang gastos at hirap namin?” kuwento ng aktor.
Sa tuwing shooting daw ay dalawang sequences lang ang nakukunan nila sa laki ng pelikula.
Maraming artistang kasama sa “Andres Bonifacio”, nandiyan si Jericho Rosales na nagpapadagdag pa raw ng eksena dahil sa ganda ng pelikula, “Nu’ng una ilang sequences lang, ilang araw lang, e, nabitin yata, hayun, nagpapadagdag pa. Masaya kasi kaming lahat sa set, masaya kasi ang ganda ng pagkakagawa.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.