Jodi: Minsan lang mang-asar ‘yang si Ser Chief pero sapul!
TULOY na ang pagbabakasyon ni Jodi Sta. Maria sa US pagkatapos ng Be Careful With My Heart. Sa Nov. 28 ang finale episode ng kanilang daytime series ni Richard Yap sa ABS-CBN kaya magkahalong lungkot at saya ang nararamdaman ng buong cast.
Makakasama ni Jodi sa pagpunta sa Amerika ang anak nila ni Pampi Lacson na si Thirdy, gusto raw kasing bumawi ng aktres sa bagets kaya todo-bonding ang gagawin nila sa US.
Oo nga naman, mahigit dalawang taon ang itinagal ng BCWMH kaya deserving naman si Jodi ng mahaba-habang bakasyon.
Speaking of Thirdy, inalam namin sa aktres kung sino pa ang kasama niyang magbabakasyon sa Amerika, “Si Thirdy nga, bakit?” sabay titig niya sa amin.
Gets na namin kung ano ang ibig sabihin ng titig ni Jodi kaya hindi na kami sumundot pa ng tanong. At sa nalalapit na pamamaalam ng BCWMH ay ano naman ang pakiramdam ng aktres?
“Malungkot po talaga and at the same time, naging thankful din talaga ako sa Be Careful With My Heart sa mga oportunidad na nagawa sa career namin na lahat na nandito, nakaka-miss talaga for two years na ito ang ginagawa ko na every morning when I wake-up going to taping, then go home.
Medyo may pagbabago lang na kailangang i-adjust,” say niya. At ang pinakamami-miss ni Jodi sa kanyang “husband” na si Ser Chief ay ang pang-aasar nito, “Bihira lang kasi siyang (Richard) mang-asar, pero sapul!” Singit naman ni Ser Chief, “Medyo ano ‘yun, eh. Private joke.”
Samantala, hindi lang viewers sa Pilipinas ang nalulungkot sa pagtatapos ng Be Careful With My Heart kundi maging ang TFC subscribers ay nag-iiyakan na rin tulad ng mga kamag-anak at kaibigan namin sa Amerika.
“Maganda kasi ang kuwento ng Be Careful, ‘cuz, si mama naiyak ng malaman niyang patapos na, kasi routine na niya ‘yun na hindi muna kakain hangga’t hindi tapos ang Be Careful.
Maganda kasi ang kuwento, Filipino values kaya masarap siyang panoorin,” say sa amin.
Tinanong naman ang executive producer ng Be Careful With My Heart na si Nars Gulmatico kung bakit hindi pa pinaabot ng Disyembre ang pagtatapos ng serye, para raw kasing bitin ang Nov. 28, “Gusto ko namang magpahinga at ayokong ma-stress ng Pasko,” birong sabi niya sa amin.
“Actually, in fairness to management, binigyan kami ng karapatan to decide kung kailan mage-end ‘yung show,” dagdag nito.
Paano nga tatapusin ang kuwento ng BCWMH at ano pa ang mga dapat abangan dahil parang plantsado na ang kuwento hanggang katapusan?
“Hindi pa, we still have nine weeks to tape, taping pa kami halos araw-araw, abangan nila for the next nine weeks, magbabago ang buhay ng buong pamilya, so they have to watch that.
“Kasi di ba, it’s always been happy, so titingnan natin ang the high, the low of each family, siyempre magbibigkis pa rin sila sa end, kaput bisig ‘yun,” makahulugang sabi sa amin.
So, may mamamatay o mawawala sa show? “Definitely walang mamamatay, pero there will be a change of lifestyle, hindi naman sila maghihirap kasi mayaman naman sila (Ser Chief at Maya), hindi ganu’n kahirap, kasi nakapagsubi naman si Ser Chief, panoorin n’yo na lang, malapit na,” kuwento pa ng bossing ng programa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.