Ate Guy masama ang loob sa TV5: Importansiya lang naman ang hinihiling ko!
Sa presscon ng pelikulang “Dementia” na pinagbibidahan ni Ms. Nora Aunor ay ayaw niyang sagutin ang tungkol sa tampo niya sa TV5 dahil hindi pa siya nabibigyan ng project. Kaya naman sa one-on-one interview sa kanya ay hindi siya tinigilan ng media tungkol dito.
Nakadalawang serye lang si Ate Guy sa TV5, ang Sa Ngalan ng Ina at Never Say Goodbye at ‘yung iba ay puro guesting na lang.
Walang binanggit ang premyadong aktres kung ilang serye ang dapat niyang gawin sa Kapatid Network, “Nagbago kasi, eh.
Nu’ng nagbago, hindi na ako masaya siyempre, parang ganu’n.”
Ano ba ang mga pagbabagong iyon, “Actually, ang nagawa ko lang na teleserye, Sa Ngalan ng Ina, Never Say Goodbye na hindi ano (maganda) ‘yung istorya, siguro naman may mga nakapanood no’n, ayoko namang mamintas pero kung ano ang sinabi ng mga nakapanood, iyon ang sundin natin, tapos puro guesting.”
Sa Oktubre 29, 2014 magtatapos ang kontrata niya sa TV5, may plano bang mag-renew ang Superstar? “Depende sa desisyon ko, depende sa pag-uusap, kung kakausapin nila ako,” mabilis nitong sagot.
Ano naman ang natutunan ni Ate Guy sa nangyari sa kanya sa TV5 in case muli siyang pipirma sa ibang network? “Naging pabaya rin naman ako noong araw, inaamin ko. Pero hindi naman ako…hindi sumisipot, nali-late nga lang talaga kapag may appointment. Sinisigurado kong mapupuntahan ko naman.
“Ang makakapigil lang sa akin kung bakit hindi ako nakakasipot, katulad nu’ng sa (taping) ng Sa Ngalan ng Ina na tatlong beses akong naospital, and dapat ‘yun sagot ng TV5, pero binawas sa kontrata ko. Ibig sabihin, naghihintay lang ako ng importansiya, kasi kahit ano rin naman ang hilingin nila siyempre nakakontrata ako, pinagbibigyan ko naman lahat at wala silang masasabi,”pagtatapat ng aktres.
Natanong naman namin si ate Guy sa isyung binabawi niya ang pangalang “Maria Leonora Teresa” na titulo ngayon ng pelikula nina Zanjoe Marudo, Iza Calzado at Jodi Sta. Maria na idinirek ni Wenn Deramas under Star Cinema, “Naku, pag-usapan na lang natin ang Dementia,” paiwas na sagot sa amin.
Kasama rin sa “Dementia” sina Jasmine Curtis, Yul Servo, Chynna Ortaleza, Althea Vega, Jeric Gonzales, Lou Veloso, Lui
Manansala at Bing Loyzaga mula sa Octobertrain Films at The Idea First Company na idi-distribute naman ng Regal Films. Showing na ito sa Sept. 24 sa mga sinehan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.