Piolo ‘NATAKOT’, ayaw kumanta ng may tema ng ‘KABADINGAN’
Kung si Joven Tan ang papipiliin ay mas gusto na lang niyang magsulat ng kanta kaysa gumawa ng pelikula dahil less stress daw. Katwiran ng direktor, “Sa pagdidirek kasi, ang laki ng expectations kung kikita o hindi, eh lalo na kung maliit ang budget, so adjust-adjust.
Ganu’n din sa script kapag maliit ang budget ng producer, adjust din. Unlike sa kanta, all out, eh,” sabi ni direk. Pawang small budgeted movie ang tanda naming ginawa ng nasabing direktor at karamihan pa ay hindi kumita kaya siguro sa pagsusulat muna ng kanta ang konsentrasyon niya.
Lampas na sa 100 na kanta ang nasulat ni Joven at ang ilan ay kinanta nina Ogie Alcasid na hindi nag-hit, ang carrier single ni Lovi Poe na “Kung Puwede Lang”, ang carrier song din ng Voice Boys kung saan naging member si Tom Rodriguez na nag-hit din at ‘yung nasa album daw ni Angeline Quinto (Higher Ground) na “Ako Na Lang”.
“Hindi naman kasi ako nag-iingay, kapag hiningan, nagbibigay ako, hindi naman ako naga-alok,” say sa amin. Matatandaang si Joven ang sumulat ng kanta ni Aiza Seguerra na “Anong Nangyari Sa Ating Dalawa” na nanalo noong nakaraang taon sa Himig Handog P-Pop Love Songs 2013 na wala pang 10 minuto nang matapos niya. Naisulat niya ito habang sobrang traffic sa kalye.
Malaki naman daw ang kita ng isang kompositor kapag nag-hit ang kantang sinulat niya dahil sa royalty na kahit matagal na at pinatutugtog ay may nakukuha pa rin ang kompositor bukod pa kapag naging soundtrack sa pelikula o kinuha sa pelikula ang kuwento ng kanta, maganda raw talaga ang benefits kasi life time ang royalty na puwede pang ipasa sa mga anak o pamilya. “Basta member ka ng FILSCAP, lifetime kang makakakuha ng royalty.”
At sana raw sa mga nasulat o susulatin palang kanta ay gusto niyang isa si Martin Nievera sa kumanta, “Sana, soon, sana,” ani Joven. Dagdag pa nito, “Si Regine (Velasquez) din sana.”
Nagtanong din kami kung okay ding igawa niya ng kanta ang mga laos ng singer, “Okay ‘yun kasi makakatulong ako, pero challenging nga.”
So, sino ang singers na wala ng career? “Ha-hahaha! Para ko na ring binanggit na hindi na sila sikat, ikaw talaga!” natawang sabi ni Joven.
Samantala, balitang tinanggihan daw ni Piolo Pascual ang kantang “Pare, Mahal Mo Raw Ako” na entry niya sa Himig Handog P-Pop Love Songs this year na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum sa Set. 28.
In fairness, hindi sinagot ni Joven ang tanong namin at huwag na raw naming pag-usapan pa. Heto ang lyrics ng kanta at kayo na ang magsabi kung bakit hindi ito tinanggap ni Piolo Pascual.
I
Pare, mahal mo raw ako
Iyan ang sabi mo raw nang minsan ay malasing tayo
Hindi kita sinisisi, galit ay wala ako
Pare, pag-usapan natin ’to.
II
Pare, ako raw ang ‘yong gusto
‘Yan ba ang lihim na sa aki’y sasabihin mo
Hindi ako iiwas, di lalayo sa ‘yo
Pare, pag-usapan natin ‘to.
Refrain
Wala namang mababago
Sa pagtingin ko sa iyo
Pero kaibigan lang ang pwede kong ialay sa iyo
At kung higit pa ro’n pasensiya na di ko makakaya
Pare, kaibigan lang kita.
III
Pare, nandito lang ako
Nangangako sa ‘yo ganoon pa rin ikaw, ako
Hindi ako iiwas, di lalayo sa iyo
Pare, kaibigan pa rin ako.
(Repeat Refrain)
Bridge
Hindi maiilang lagi mong tandaan
Kaibigan mo ako kailanpaman.
(Repeat Refrain)
Pare, kaibigan lang kita.
( bandera.ph file photo )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.