Juday apektado, iyak nang iyak sa ‘I DO’ | Bandera

Juday apektado, iyak nang iyak sa ‘I DO’

Reggee Bonoan |August 23,2014
facebook
share this

Juday apektado, iyak nang iyak sa ‘I DO’

Reggee Bonoan - August 23, 2014 - 03:00 AM


SAYANG bossing Ervin, hindi ka nakapunta sa press preview ng bagong reality show ng ABS-CBN na I Do,  sana ay isa ka rin sa mga namumugto ang matang lumabas ng Dolphy Theater noong Miyerkules.

Wala kaming ine-expect na bagong ipakikita sa I Do na tinawag na “realiserye” ng tunay na pag-ibig dahil akala namin ay para lang din itong Pinoy Big Brother, Pinoy Dream Academy at Biggest Loser na naiba lang ang host dahil sina Judy Ann Santos at Jason Gainza ang magkasama sa I Do bilang hosts, kasama ang dalawang council na sina Pia Acevedo at Dr. Julian Montano.

Ilang beses tumulo ang luha namin habang pinapanood ang kuwento ng siyam na couple tungkol sa pinagdaanan nila sa buhay.  Akalain mo, para kaming nanonood ng pelikula na ang kuwento ay tungkol sa pamilya, mababaw kasi ang luha namin kapag tungkol na sa family ang topic.

Nahihiya pa nga kaming magpahid ng mata nu’ng una, pero hindi pala dapat, dahil halos lahat ng nanonood ay ganito rin ang naramdaman kaya pala sabi ni Juday sa presscon ng programa, wala siyang ginawa kundi umiyak nang umiyak sa set at dala-dala pa niya hanggang pag-uwi ng bahay dahil talagang apektado siya sa mga contestants.

Ang I Do ay sadyang binuo ng unit ni Mercy Gonzales para maipakita ang mga magdyodyowa kung paano nila harapin ang pagsubok sa buhay at para makilala ang isa’t isa at siyempre, interesado sila sa mapapanalunang furnished house and lot mula sa Lancaster Pro City Village sa Cavite, isang milyong piso at ang pinakaaasam-asam na grand wedding.

Ang siyam na couple ay binubuo nina Christian (22) at Chelsea (24) parehong modelo at tatlong buwan palang magkarelasyon, pero gustung-gusto na nilang magpakasal dahil pakiramdam nila ay soulmates sila.

Business partner’s naman sina Emil (28) at Honey (27) na limang taong magkarelasyon at parehong taga-Baguio City na gusto na ring magpakasal, pero hindi pa financially stable ang guy dahil wala pa raw siyang masyadong ipon at sariling bahay.

Aliw kami kina Emil at Honey kasi pareho silang komedyante kaya saya-sayahan ang drama naman nila sa I Do village.
Koreano si Jimmy (30) at Pinay si Kring (28), tatlong taon na silang mag-dyowa at matiyagang tinuturuan naman ni gurl si boy magsalita ng sariling wika natin dahil pakiramdam nilang dalawa ay ang isa’t isa na ang future nila.

Neighbors in love naman ang drama nina Chad (20) at Sheila (20) na pitong taong magkarelasyon at base sa love story nila ay maraming beses na silang sinubok ng panahon at nanatiling sila pa rin.

Kailangan daw nilang manalo para may pag-umpisahan sila sa future nila. Proud young parents sina Miko (20) at Mariz (21) dahil nabiyayaan na sila ng anak maski hindi pa kasal.

Walang pagsisisi sa tatlong taong relasyon dahil para sa kanila ang anak nila ang naging dahilan para lalong tumibay ang kanilang pagsasama. ‘Yun nga lang, aminadong hindi pa nila kayang magpakasal dahil wala silang pera at bahay.

Maraming babaeng dumaan sa buhay niya ang negosyanteng si David (44) pero hindi niya naisip magpakasal dahil katwiran niya ay wala pa sa kanila ang gusto niyang makasama sa buhay bukod pa sa nag-ipon muna siya ng husto.

Pero ng makilala niya si Karen (20), DJ sa kilalang radio program ay nabago ang pananaw ni Mr. Gentleman at inaming gusto na niyang magkaroon ng pamilya.

Pero nang tanungin sila ni Juday kung gusto na nilang magpakasal kaagad ay sumagot ng “no” si David dahil pakiramdam niya ay may sagot pa siyang gustong marinig kay Karen na sa kabilang banda ay handang-handa na rin siyang pakasalan ang boyfriend na halos kalahati ang agwat ng edad niya.

Labing isang taong magkarelasyon na sina Carlo (30) at Kara (28) at aminadong engaged na sila pero kailangan pa rin nila ng additional funds para sa future nila kaya sila sumali sa I Do.

Parehong nasa hasykul nang magkagustuhan sina Kaiser (24) at Jzajza (24) at sa walong taon nilang pagsasama bilang sweethearts ay alam nilang sila na in the future, ‘yun nga lang, hindi pa rin sila financially stable kaya kailangan nilang manalo rin sa I Do para matupad ang mga pangarap nila.

Pareho namang celebrity sina Harry (28), member siya ng football team na Volcanoes at si Princess (27) ay ex-girlfriend ni Tom Rodriguez na sumali na rin sa isang reality show.

Kuwento nila ay maraming dumaan na sa buhay nila, pero sila ang heaven-sent sa isa’t isa, pakiramdam nila ay swak  sila sa lahat ng bagay. Mapapanood ang I Do tuwing Sabado at Linggo ng gabi simula sa Agosto 30.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

( Photo credit to judy ann santos official fanpage )

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending