Pakiusap ni Erik: Wag n’yo akong pagtatawanan!
“Manonood ka ba ngayon? ‘Wag mo kong pagtatawanan ha? Hindi kasi ako nakakatawa dito, seryosong aktor ako!” Ito ang sabi sa amin ni Erik Santos nang magkita kami sa gala night ng “S6parados” sa CCP noong Linggo ng gabi.
Balik-tanong namin kay Erik, “Ano bang role mo?” Ang sagot niya, “Battered husband.” Mula sa imbitasyon nina direk GB Sampedro at line-producer, Omar Sortijas ay pinanood namin ang entry nila sa 10th Cinemalaya Film Festival.
Naaliw naman kami sa kuwento ni Erik. Ang sinasabi niya na huwag namin siyang pagtatawanan ay ang panggugulpi sa kanya ng asawang si Iwa Moto kung saan nagmukha talaga siyang basang sisiw.
Isang mabait at masunuring asawa si Erik kay Iwa na parehong nagtatrabaho sa call center kung saan kasama rin nila si K-La Rivera. Bago lang kasi sa trabaho si K-La kaya nagpapaturo kay Erik bagay na ayaw naman ni Iwa na supervisor nila kaya pagdating ng bahay ay bugbog-sarado ang singer.
Sa totoo lang, hindi naman maiwasang hindi ka talaga matatawa bossing Ervin dahil halos lahat ng nanonood sa CCP main theater ng gabing iyon ay naghalakhakan talaga dahil parang bata si Erik na pinapagalitan at ginugulpi ng nanay.
Actually, habang pinapanood namin ang episode ni Erik ay iniisip namin kung sino ang karelasyon ni direk GB that time na ganu’n ang trato sa kanya dahil sabi nga niya, “inspired” sa personal niyang buhay ang kuwento ng pelikula.
May naisip na kami kung sino si Iwa sa mga naging karelasyon ni direk GB pero hindi na lang namin babanggitin dahil baka maging daan pa ito ng gulo.
Curious naman kami kung sino ang karelasyon ni direk GB sa episode nina Jason Abalos at asawang adik dahil hindi naman namin nabalitaang naging “adiktus” ang kilalang direktor.
Pero base pa rin sa napanood namin ay tila pareho pa rin ang babaeng inilalarawan ni direk GB sa episode nina Erik at Iwa na bandang huli ang naging bayolente at may suicidal tendency.
Anyway, magagaling ang lahat ng mga artistang kasali sa nasabing Cinemalaya entry, wala kaming puwedeng ilaglag, ang gaganda ng shots, ang galing ng pagkakatahi ng istorya at paano natapos sa loob ng pitong araw ang anim na kuwento ng mga lalaking bida sa “S6parados”.
( bandera.ph file photo )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.