Ekstra namatay sa taping ng ’GALEMA’, natuklaw ng ahas
Kanya-kanyang raket din ang “coordinators” na humahawak sa mga ekstra at talents dahil hindi pare-pareho ang ibinibigay nilang talent fee.
May nakatsikahan kaming ilang talents tungkol sa raket na ito ng ilang coordinators sa mga programa ng ABS-CBN, “Ang alam po kasi namin, 500 hanggang 800 pesos ang bayad sa bawat ulo ng talent, pag may linya po, mas malaki raw.
“E, itong humahawak po sa amin, 250 pesos lang po ibinibigay, tapos wala pa kaming pagkain kasi ‘yung pagkain na para sa amin, kinukuha po ng coordinator namin at itinatago, kaya po kaming talents, nagbabaon na lang,” sabi ng kausap namin.
Napanood namin ang “Esktra” na pinagbidahan ni Batangas Gov. Vilma Santos-Recto, ipinakita roon na may ibinibigay namang libreng pagkain sa kanila ang production, hindi lang namin alam kung sinusunod ito ng lahat ng producers.
Inalam din namin sa isang kilala naming coordinator kung ganito ba talaga ang bayaran sa mga ekstra, “Depende po sa oras, kasi kung sandali lang sila, puwedeng P250 nga lang.”
Binalikan namin ng tanong ang ilang talents na nagrereklamo sa natatanggap nilang talent fee, “Iba-iba po kasi, pag wala ng eksena, pinauuwi na po kami, pero kapag inaabot kami ng 24 hours, ganu’n din P250 ang bayad.
“Mas okay nga po kung si Yachang (comedian) ang kumukuha sa amin kasi malaki siyang magbayad, P800 po bawat isa kaya tuwang-tuwa kami pag siya ang kumuha.”
Lumalabas din daw sila sa mga show ng GMA at may pagkain naman daw para sa kanila bukod pa sa okay ang talent fee, ‘yun nga lang hangga’t hindi natatapos ang taping, hindi sila pinauuwi kumpara sa ABS-CBN na kapag hindi na kailangan ay pwede nang umalis.
Samantala, ikinuwento rin sa amin na may namatay daw na talent sa programang Galema noon ni Andi Eigenmann dahil kinagat ng ahas.
“Itinago po yata kasi hindi naman sinagot ng ABS kasi pinapirma ng waiver na kung anong mangyari, walang sagutin ang ABS,” say sa amin.
Pero iba naman ang kuwento sa amin ni Direk Wenn Deramas, “Lahat ng ahas na gamit namin sa ikinakalat sa set ay sawa. Sakaling nakatuklaw ito, walang venum.
“Ang mga cobra o special na ahas ay kinukunan ng hiwalay sa artista o talent. Double ang may hawak kapag cobra. “Safety first kami lagi sa Galema.
Nag-conduct pa ng isang buong araw bago nag-start para sa mga artista at staff on how to deal with snakes. Pati klase ng ahas. Walang ganu’ng nangyari,” kuwento pa ng direktor.
“Namatay ang isang talent sa amin during shoot ng pilot dahil inatake ‘yung sundalo na tatlong araw na walang tulog. Sunud-sunod na taping ang pinuntahan.
“Panghuli ‘yung sa amin na night effect lang. Hindi siya nakunan kasi before we start the shoot sa Binondo labanan kay Zuma, nag-collapse. Walang ahas na involved doon.
Pero sinagot ng ABS ang hospitalization niya at tumulong kami sa burol kasi sa hospital namatay. Hmmmm, baka naman gutom ang ilang talents na nakausap namin dahil hindi nga tugma ang kuwento nila sa kuwento ni direk Wenn?
Anyway, sana ‘yung mga coordinator na may hawak ng talents, ay magbayad ng tama, katulad n’yo rin sila, may pamilyang binubuhay. Ayaw ni Arjo Atayde ng ganyan!
( Photo credit to wenn deramas official fanpage )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.