NAKATSIKAHAN namin ang ilang kaibigang taga-advertising agency at isa sa napagkuwentuhan namin ay tungkol sa umeereng Pinoy Big Brother All In, parang wala raw silang nakikitang pwedeng sumunod sa yapak nina Kim Chiu, Gerald Anderson, Melai Cantiveros, Jayson Gainza at Zanjoe Marudo.
Napakunot ang noo namin kung bakit sa mga nabanggit na pangalan ikinumpara ang mga nasa loob ngayon ng Bahay ni Kuya.
“E, kasi sina Kim at Gerald, kita mo naman, sikat na sikat na at saka noong nasa loob sila ng PBB, kitang-kita mo na may karakter, si Kim that time, kumakanta, si Gerald, alam mo nang leading man material.
“Sina Melai naman, kita mo naman di ba, riot sila ng napangasawa niya noon dahil parati silang may isyu tapos doon din nabuo ang loveteam nila hanggang in real life na. Si Jayson din, kita mo naman, magaling na komedyante, maraming shows. Si Zanjoe, leading man na ng mga sikat at nagsosolo movie na,” paliwanag sa amin.
Dagdag pa, “Napapanood mo ba ang PBB All In? Walang big story, hindi nakakatulong sina Alex (Gonzaga) kasi nag-mellow siyang bigla, sana ilabas niya ang pagiging makulit niya kasi iyon ang gusto ng tao kaya nga siguro siya inilagay doon kasi kita mo naman, walang nangyayari. Si Daniel (Matsunaga) wala rin, parang display lang ang katawan.”
Oo nga ‘no!? Kaya siguro hindi pa pinalalabas si Alex sa PBB na sa pagkakaalam namin ay dalawa hanggang tatlong linggo lang sa loob ng Bahay ni Kuya, pero mukhang tatapusin na nito ang isang buong season? Tinanong namin sa taga-ahensiya kung ano naman ang say niya kay Manolo Pedrosa, ang bagets na may fans na agad sa social media.
“One of those, wala pang masyadong pinakikita. Siguro kailangan niyang gumawa ng kakaiba,” sabi sa amin.
Sabay tanong sa amin ng, “Kumusta ba ang rating ng PBBAI?” Oo nga, ano nga ba ang laban ng show sa ratings game, bossing Ervin, hindi ko rin alam, eh! (Ha-haha! Hindi ko rin alam Reggs, e! – Ed)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.