Susan Roces kay Bea: Siya ang pinakamalinis makipag-halikan!
Sobrang honest ng buong cast ng Sana Bukas Pa Ang Kahapon dahil hindi nila itinanggi na pressured sila dahil ang papalitan nilang programa ay ang parating nagte-trending worldwide na The Legal Wife nina Angel Locsin, Maja Salvador at Jericho Rosales.
Napatunayan naming trending nga lagi ang TLW dahil nakatsikahan namin mismo ang mga taga-Uniliver noong Linggo kung saan ginanap ang final exam ng karate class ng anak naming si Patchot.
Sa grand presscon ng Sana Bukas Pa Ang Kahapon noong Martes ng gabi sa La Chandelle Events Place, Q.C., ay buong ningning na sinabi ng bidang babae na si Bea Alonzo na, “Sa totoo lang, ako kinakabahan talaga ako. Hindi ako magsisinungaling talagang napi-pressure ako.”
Mabuti na lang at napakaganda ng trailer ng serye kaya malakas ang loob ng aktres. “Pero sa mga trailer na napapanood ko, nagiging proud din ako. Parang nagkakaroon ako ng confidence na baka naman sakaling panoorin ng tao.
At para sa akin kasi ginawa namin ang best naming lahat. So bahala na si Lord, ipagpapasa-Diyos na lang namin,” say pa ng tinaguriang bagong movie queen ng kanyang henerasyon.
Hindi rin itinanggi ng dalawang direktor ng soap drama na sina Trina Dayrit at Jerome Pobocan na pressured din sila pero alam nila na maganda at de kalidad ang kanilang programa kaya very positive ang pananaw nila.
“Siyempre I think may (pressure) dahil malakas ang show na papalitan namin pero ako naman kasi I’m confident with the show, maganda ang proyekto, maganda ang materyal, magaling ang mga artista, maganda ang script. I’m proud to say na maganda ang palabas na ito.
“At sa palagay ko naman with our hits like May Bukas Pa at saka ang iba pa nating ginagawa baka, sa palagay ko, ay maghi-hit siya,” katwiran ni direk Jerome.
Say naman ng original Movie Queen na si Ms. Susan Roces, “Lahat kami, nananalangin, lahat kami ay confident na maganda itong proyekto.
Nais kong ibahagi sa inyo na ang mga teleserye ng ABS-CBN ay hindi lamang pinagpaplanuhan para sa local viewers. Pinagpaplanuhan po ito at masusing pinag-aaralan para sa foreign market.”
Nabanggit na rin lang ang titulong Movie Queen ay natanong si Ms. Susan kung pabor ba siyang ilipat o ipamana ang titulo niya at kung kanino?
“Wala akong karapatan na magpamana dahil hindi ko sinosolo ‘yung titulong ‘yun. Katulad nga ng nasabi ko, iba ang dahilan kung bakit ako nataguriang ganu’n.
Nakagawian na lang nilang (tao) siguro, for lack of something to say pag i-introduce sa stage,” masayang sabi ni Ms. Susan.
Dagdag pa nito, “At siguro, marahil ang gauge nila noon ng king and queen ay box-office.
Nu’ng panahon na ‘yun. Kakaiba ngayon dahil sa growth ng industry, hindi lang tayo naka-focus sa popularity. Naka-focus tayo sa body of work, kung ano ang performance ng artista, kung anu-ano ang roles niya na pabigat nang pabigat like what happened to Bea dahil iba-ibang karakter ang pino-portray niya.”
At inamin din ng beteranang aktres na fan daw siya ni Bea noon pa, dahil lahat ng projects ng aktres ay pinapanood niya, pelikula man o serye, “Isang karangalan na makasama ko si Bea sa project na ito.
Matagal kong sinubaybayan ang kanyang pagsikat. Isa ako sa fans ni Bea sa kanyang mga teleserye noon at sa mga pelikula niya,” kuwento ng veteran actress.
Pati ang pakikipag-kissing scene ni Bea sa pelikula ay napansin din ni Ms. Susan, “Siya ang pinakamaganda at pinakamalinis at pinakadisenteng mag-kissing scene.”
Samantala, pawang mga serye na gawa ng Dreamscape Entertainment ang mapapanood na gabi-gabi simula sa MiraBella, Dyesebel, Ikaw Lamang at Sana Bukas Pa Ang Kahapon.
( bandera.ph file photo )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.