Korina sa Napoles scandal: Talagang ako pa ang nabandera diyan!?
ANG comedian na si Ya Chang ang naging tulay ng NHK Japan para magkaroon ng negosasyon sa ABS-CBN dahil natuwa raw ang mga Hapones nang makontak ng nasabing komedyante ang pamilya ni Ivy Beldad na isang nurse na nag-top sa board exam sa Japan, at bilang sorpresa ay ipinadala ang pamilya ng Filipina nurse sa Japan.
Ang kuwento ni Ivy ay mapapanood sa Maalaala Mo Kaya very soon, kasabay din ang pag-ere nito sa programang Happy Surprise sa Japan. Simula noon ay si Ya Chang na ang nagsilbing coordinator sa ABS para sa pakikipagsanib-puwersa ng NHK Japan sa Kapamilya station.
Tinanong namin ang business unit head na si Ms. Linggit Tan kung bakit ang ABS-CBN ang napili ng public broadcaster ng Japan NHK, “E, kasi sabi nila may tie-up na sila with the government station (PTV4), pero parang walang nangyari, parang hindi raw nari-reach ‘yung mga tao (ibang bansa), nanghihinayang sila.
“Since government station sila, gusto nila sa government station din ng Pilipinas, e, wala nga raw nangyayari,” paliwanag ng TV executive. Nabatid namin na maraming proyektong gagawin ang ABS-CBN at NHK, “It’s a long term partnership,” banggit ni Mr. Yari Sudo, producer in charge ng Happy Surprise sa joint presscon ng dalawang kumpanya.
Samantala, mapapanood sa Linggo, Mayo 25 ang kuwento ng isang sikat na Filipino-Japanese sumo wrestler at ang kanyang pamilya sa Rated K, ang unang proyektong ipinrodyus ng ABS-CBN at NHK. Sa Rated K segment na hango sa programang Happy Surprise ng NHK, sosorpresahin ng Filipino-Japanese sumo wrestler na si Masunoyama ang kanyang inang Pinay na si Maria Christine para pasalamatan ito sa lahat ng pagsasakripisyo nito sa pagpapalaki sa kanya at sa iba pang kapatid.
May inihandang malaking sorpresa ang programa apra kay Maria Christine. Ang Happy Surprise ay isang programa ng NHK kung saan sinosorpresa ang mga taong may nakaka-inspire na kuwento at karapat-dapat na handugan ng “regalo”.
Say ni Ms. Linggit, “Gusto nating mag-expand at mag-explore pa ng ibang magagawa para sa TV at mga Pinoy. Nagkaroon na tayo ng co-productions sa Malaysia kung saan sikat na ang Kapamilya actors natin.
May foreign TV networks na rin ang bumili at inere ang shows natin sa ibang bansa. Pero gusto nating makapasok sa Japan at makipag-partner sa kanila.
Dahil nga public broadcaster ang NHK, gusto rin nilang i-showcase ang kultura ng Japan at ipakita ang appreciation nila para sa mga Pinoy.”
Bukod kay Mr. Sudo, ang ilan pang dumalo sa joint presscon ay ang Japan NHK executives na sina Miki Mori (senior producer, Happy Suprise), Mr. Hiroshi Yamamoto, Hidetoshi Nakamoto (senior managers, NHK) at Toru Uchiyama, deputy head of the program production department NHK.
Bukod naman kina Korina at Linggit, dumalo rin sa event ang head of Integrated News and Current Affairs na si Ging Reyes at ABS-CBN head of TV production, Laurenti Dyogi.
Speaking of Korina, ayaw na nitong magsalita pa tungkol sa isyung tumanggap siya ng cash gift (P50,000) mula kay Janet Lim-Napoles noong 2004, pero kinulit siya ng media.
Aniya, “I’m very sad about that, na isang bagay na I’m very passionate about, anti-corruption in media and all my friends know that. Ako ang una at maaaring tanging very vocal about issues like that kaya nalulungkot ako masyado kasi ako pa ‘yung nabandera diyan.
“Natutuwa ako sa ABS-CBN (sa suporta) at sa iba pang mga nakakaalam na naniniwala silang walang basehan ang istorya, Sana hindi na mangyari sa iba,” ani Ms. Korina.
( Photo credit to korina sanchez official fanpage )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.