Mark Neumann nabiktima ng bukas kotse gang sa gasolinahan
NAKAKATUWA itong si Mark Neumann dahil kung saan-saan naming mall siya nakikita, kamakailan ay nasalubong namin siya sa Eastwood City, tapos sa SM The Block at kailan lang ay sa Robinson’s Magnolia naman.
At sa tuwing makikita namin ang isa sa cast ng comedy series ng TV5 na Confessions of A Torpe ay parating bumebeso sa amin at sabay sasabihin, “Oh, nagkita na naman po tayo.”
Biniro nga namin siya ng, “Hindi ka busy, ‘no? Panay ang malling mo?” “Minsan po, kapag may kailangan akong bilhin tulad ngayon (bumili ng gitara), kasama ko naman tito ko at mga kasama namin sa bahay.
Tapos manonood din ng sine,” kuwento ng batang aktor. In fairness bossing Ervin, sikat na si Mark, huh? Dahil sa tuwing nakikita namin siya ay maraming nagpapa-picture at talagang binabalikan siya ng lingon ng mga tao sabay tawag ng pangalan niya.
Hindi katulad ng ibang baguhang artista na iisa ang parati naming naririnig sa mga tao, “Da hu?” or “sino siya?” At nalaman namin na isa pala si Mark sa may maraming fans sa Confessions of A Torpe base na rin sa kuwento ng mga nagpapa-picture, naaaliw daw kasi sila sa papel ng batang aktor.
“E, kasi hindi nahihiya si Mark maski na anong ipasuot mo at ipagawa mo, tanga-tangahan lang,” sabi sa amin. Na mabilis naming ikinatwiran na, “E, kasi bago palang si Mark, pag nagtagal ba ‘yan gagawin pa rin kaya niya?”
“Basta po sa role, okay lang sa akin, hindi po ako nahihiyang magpapangit sa kamera, dapat all out po, OA ang reactions ko dapat. Actually challenge nga po sa akin ang role ko kaya hindi ako dapat mahiya kasi pag nahiya ako, hindi effective so kailangan all out po,” katwiran ni Mark.
Isa pang napansin namin bossing Ervin, maayos na ang pananalita ni Mark ng Tagalog, maski na nahihirapan siya ay Tagalog pa rin siya makipag-usap, “Kailangan ko pong matuto kasi nandito ako sa showbiz, kaya panay po ang basa ko ng pocket books na tagalog, minsan komiks kapag may nakikita ako saka mga diyaryo,” pag-amin ng binatilyo.
Samantala, sa ilang taon palang ni Mark sa showbiz ay nakapagpundar na siya ng Ford Everest SUV na ginagamit niya sa taping, pero kamakailan lang ay nabiktima siya ng bukas-kotse gang.
“Nu’ng nagpunta po kami ng Subic, pinark ng tito ko sa gas station tapos pagbalik niya, nawala na ‘yung bag niya. “Nalaman naming nabuksan po ‘yung kotse nu’ng pina-check namin sa Ford during the check-up at nasira po ‘yung susian sa driver’s seat.
Papagawa ko palang at papalagyan ng alarm. Bad trip nga! Dami ko pa naman gagawin pa, like papalagay ng accessories,” kuwento ni Mark.
After daw ng SUV ay pinag-iipunan niya ang condo unit na malapit daw sa Reliance na malapit sa TV5 kung saan madalas mag-taping ang batang aktor at house and lot para sa pamilya niya kapag nagbakasyon daw dito sa Pilipinas.
Kasalukuyang nasa Germany daw ang magulang ni Mark na dating umaasa sa kanya, “Before po ako bread winner when AA (Artista Academy) started, nagpapadala ako, ngayon hindi na.
May work na kasi ang tatay ko sa laundry ng hospital, tapos ‘yung kuya ko, hindi ko alam ano work, pero meron na,” kuwento ng binatilyo.
Ang citizenship ni Mark ay German, hindi siya pinayagang mag-dual citizen, “Kaya nagbabayad po ako kasi I have alien visa, P3,000 per year po and I have to renew every five years, working visa po.”
Madaling makakaipon si Mark bossing Ervin kasi hindi pala siya mahilig sa branded clothes, “Sa mall lang po ako bumibili ng damit o kaya sa Subic po, sa outlet po.
Sa gadgets, dalawang phone lang po, isa para sa contacts at isa para sa pang-internet po para sa social media.” Samantala, walang lovelife si Mark dahil, “Pinagbawalan po ako ng tito ko kasi kapag may lovelife, makakahati sa concentration ko po para sa akin, okay lang crush lang.”
Tinanong namin kung sino ang crush niya, mabilis niyang sagot, “Si Ms Alice Dixson po,” napangiting sabi ng batang aktor.
Napa-ha, kami dahil sobrang laki ng agwat ng edad nila, “Actually, hindi ko po makalimutan si Ms. Alice nu’ng ginawa namin yung The Lady Next Door po,” na ang tinutukoy ay ang telesine nila sa TV5 kung saan sila nagkaroon ng halikan.
“Hindi ko lang talaga makalimutan, actually nasa phone ko ‘yung scene (kissing) na ‘yun as remembrance. She’s my first kiss kasi,” pagtatapat ng binatilyo.
Anyway, wala raw problema sa batang aktor kung magkaroon siya ng girlfriend na mas matanda sa kanya at mas gusto nga raw niya iyon dahil kung same age niya ay, “baka hindi kami magkasundo kasi pareho kaming bata pa?”
( Photo credit to markneumannfanpage )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.