Gelli ipinagtanggol din si Anne: Baby rin kasi namin siya noon ni Carmina!
ISA si Gelli de Belen sa favorite leading lady noon ng mga sikat na artistang lalaki at kasama rin ang aktres sa mga pelikulang humataw sa takilya ng Viva Films, pero kahit hosting at supporting roles ang ibinibigay sa kanya ay walang issue sa kanya.
Choice ni Gelli ito kaya hindi na siya masyadong aktibo ngayon sa pelikula dahil, “Gusto kong tutukan ang pamilya ko, gusto kong may oras ako sa kanila,” ang parating katwiran ng komedyana.
Sabagay, tatlong beses na taping ng Confessions of A Torpe sa isang linggo at isa o dalawang beses na taping ng Face The People ay ubos na talaga ang oras niya, paano pa kaya kung magdadagdag pa siya, “Oopps, there’s one more, Tropa Mo Ko Unli pa,” dagdag pa niya.
Ay oo nga, tatlo ang shows ni Gagay sa TV5, so bakit kailangan pa niyang maghangad pa, e, wala na siyang pagsisingitan ng kanyang role as mother and wife? “Thank you Lord,” sabay sabi ni Gelli.
Anyway, tinanong namin si Gagay kung ano ang masasabi niya ngayon sa mga artistang super sikat na pero ang kapalit naman ay halos hindi na sila natutulog?
“Nakakaaliw ‘no, kasi parang nakikita ko ‘yung sarili ko sa kanila noon ar mas masuwerte sila at the same time, may lugi rin sila. Masuwerte kasi mas confortable ang setting ng mga taping at shooting because nowadays, may tent, portalet, which is a big deal for us kasi we stayed in the location the whole day o magdamagan in the next day.
“Noong araw, makikiihi ka kung saan man puwede kang makiihi or kapag nasa kagubatan kayo, wala ka namang pupuwestuhan, kung malayo ‘yung kotse sa location, hanap ka ng may silong, ganu’n lang noon.
“E, ngayon, ang daming gadget, dati kasi, may libro ka na puwede mong basahin, nananahi kami, e, pag dumilim na, wa na. Ngayon, ang daming gadget to keep you busy at ngayon, mayroon ng cut-off-cut-off, noong araw wala, maski ilang oras kaming nakatengga.
“Tapos ngayon, may stylist, make-up artist, sila ang in-charge, dati kami, kanya-kanya, lahat sa amin. Ang disadvantage naman, because of the comfort and everything, sometimes not all the time and not everybody, taken for granted ‘yung comforts ng artista na (pinababayaan ang career).
“Kapag nakakarinig nga ako ng kuwento na ganito, ganyan, sabi ko nga, sus, kami nga no’ng araw, ligo na lang ang pahinga, punta na sa next wala kang karapatang magreklamo o kaya dati nga wala kaming tent, walang aircon, tiyaga ka sa init, hindi ko nga alam paano ko nagawa ‘yun nu’ng araw.
“At saka ang problema ngayon at nakakaloka, ‘yung cellphone, may camera kahit saan ka, makukunan ka? E, di ba may mga araw na wala ka sa mood, may mga araw na mainit ulo mo, may araw na gusto mong uminom if you’re of age, may araw na gusto mo lang pumarty, gusto mo lang masaya kasi pagod ka, e di ba pag nalalasing ka o kaya mainit ulo mo, nasa internet na (social media), hayan na, may picture ka na, buti na lang no’ng panahon ko, wala ‘yan.
Though, hindi naman ako umiinom, pero parati akong lumalabas noon,” mahabang sabi ni Gelli.
Kung hindi kami nagkakamali ay wala kaming matandaang naging nega si Gagay sa media o may mga isyung nabulabog ang buong showbiz dahil sa kanya, “Yata, thank you God,” mabilis na sabi ng komedyana.
At dahil napunta ang usapan sa mga artistang umiinom na hindi kayang kontrolin ang sarili kaya naiiskandalo , ano ang payo niya sa mga ito? “E, di wag magpakalasing o kaya dapat kontrolado mo sarili mo, kasi ikaw din naman ‘yun, wala kang dapat sisihin,” katwiran ng leading lady ni Ogie Alcasid sa Confessions of A Torpe.
Mainit na pinag-uusapan ngayon ang nangyari kina Anne Curtis at Sam Concepcion sa party ni Vice Ganda na mabilis na kumalat sa social media, “Hindi naman natin alam kung ano ang totoong nangyari dahil wala naman tayo roon at dinenay naman, di ba?
“You know what, Anne is a dear friend, because baby namin siya ni Carmina (Villaroel) sa Nuts Entertainment parang little sister namin. Kaya for me she can do no wrong,” pagtatanggol ni Gelli sa kaibigan.
“Kung totoo man ‘yun, it’s unfortunate kasi nakainom ‘yung tao, yun ang con pag nakainom, di ba?” katwiran pa. Biglang sumingit si Wendell Ramos na kasama rin sa Confessions of A Torpe, “Nakainom ka, nagwala ka normal lang ‘yun, kasi lasing kaya dedma na lang.”
Sabi ulit ni Gelli, “Ipag-pray na lang natin kasi may pinagdaraanan sila.” Balik-tanong namin kay Gelli, kung halimbawang siya si Jasmine Curtis Smith at inaway o tinalakan ni Janice de Belen ang boyfriend niya, anong gagawin niya? “Awayin ko siya (Janice), sasabihin ko, ‘Uy kung gusto mong gawin ‘yan, in private, wag sa maraming tao na nakakakita sa ‘yo.
Kapatid kita, karapatan mong gawin ‘yan wala akong problema roon, go! ‘Wag naman ‘yung maraming nakakakita,” punto ni Gelli.
Samantala, base sa ilang beses naming pagpunta sa taping ng Confessions of A Torpe dahil sinasamahan namin ang aming kaibigan na part ng staff show ay napansin naming masaya ang cast at kapag hindi sila kinukunan ay nagsisitulugan sila sa malamig na tent na nakatayo sa kalsada.
Bukod dito ay masaya ang buong cast kasama na ang production dahil mataas ang ratings nila na umabot na sa 3.8% kumpara sa ibang programa na hindi man lang sumampa sa 1% ang rating.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.