BAGAY palang love team sina Enrique Gil at Julia Barretto. Ito ang napagmasdan ng mga dumalo sa birthday presscon nina Enrique at Julia noong Martes sa Fisher Mall nitong Martes.
Nagdiwang noong March 10 ang dalagita ng kanyang 17th birthday, habang si Enrique naman ay turning 22 sa Marso 30.
Ang dalawang young stars ang bibida sa upcoming seryeng Mirabella na papalit sa Anna Liza, at base na rin sa kilos nina Ken at Julia ay walang nakitang hiyaan o ilangan ang press kaya iisa lang ang ibig sabihin nito, enjoy silang katrabaho ang isa’t isa.
Magandang hakbang din mula sa Dreamscape na si Enrique ang ipinalit kina Kiko Estrada at Diego Loyzaga na supposedly mga leading men ni Julia sa Mirabella pero sa hindi malamang dahilan ay biglang natsugi ang dalawang bagets sa serye.
In fairness, kailangan ni Julia ng suporta ng malaking artista at considered na malaki na ang pangalan ni Enrique sa showbiz dahil halos lahat naman ng programang sinalihan niya ay nag-rate bukod pa sa marunong siyang umarte kaya’t matsa-challenge ito sa kanilang mga eksena.
Samantala, hindi halatang unang beses palang magkakatrabaho sina Ken at Julia dahil parang sanay na sila sa isa’t isa, sabi nga, hindi na kailangang ipagtulakan pa ng management ang kanilang tambalan dahil mukhang promising ang kanilang tandem.
Hindi nga lang puwedeng lagyan ng love angle sina Enrique at Julia dahil bata pa ang dalagita at pinagbabawalan pa siyang magkaroon ng boyfriend na mama niyang si Marjorie Barretto.
Say naman ni Enrique ay willing siyang maghintay, “Hindi naman po imposible ‘yon. Pero dapat wala munang ganu’n. Dapat trabaho lang. Pero siyempre, hindi naman imposibleng ma-attract ako kay Julia.”
Say naman ni Julia, “Naku, bawal pa. Bata pa ako. Hindi pa ako puwedeng ligawan. Ayaw ng mommy ko.” Samantala, ang nadiskubre naman ni Ken sa dalagita, “Maharot siya kasi sobrang kulit.
Pero cute ’yung kakulitan niya. Solid! Madali kaming nagkasundo. Hindi na ako nag-adjust dahil pareho kami ng ugali.”
Sa kabilang banda ay inamin ni Julia na sobrang nagpapasalamat siya na ipalalabas na ang Mirabella dahil akala niya ay shelved na ito, “Buti na lang pinagtiwalaan pa rin ako ng Dreamscape and very soon, ipalalabas na ang Mirabella.”
Ang birthday wish naman ni Ken para sa bagong leading lady, sana raw ay tuluy-tuloy na ang magagandang nangyayari sa career niya at si Julia naman ay huwag magbago ang binata sa maganda nitong pakikisama.
Samantala, gagampanan ni Julia ang karakter ni Mira, isang dalagang isinumpa na magkaroon ng balat na tulad ng isang kahoy na palihim na iniibig ng kanyang bulag na kaibigan na si Jeremy (Enrique).
Sa kabila ng kanyang kakaibang katangian, lalaking mabait at masunurin si Mira dahil sa pagmamahal ng mga magulang na umampon sa kanya na sina Osang (Pokwang) at Paeng (John Lapus).
Kasama rin dito sina Sam Concepcion, Mylene Dizon, James Blanco, Mika dela Cruz at Gloria Diaz mula sa direksyon nina Erick Salud, Jojo Saguin at Jerome Pobocan under Dreamscape Entertainment Television.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.