Kim Chiu pwede nang tawaging comedy princess; Xian Lim natuto nang umiyak
NAPANOOD namin ang “Bride For Rent” sa premiere night nito noong Martes sa SM Megamall cinema 7 at wala kaming masabi sa suportang ibinigay ng ABS-CBN bosses kina Kim Chiu at Xian Lim.
Sina Papa Gabby Lopez at Ma’am Charo Santos-Concio lang ang absent sa premiere night dahil halos lahat ng “panginoon” sa Dos ay present sa premiere night ng pelikula. Kaya gusto lang naming itanong, may favoritism ba ang mga bosses sa kanilang mga artista? E, kasi nga, money-maker daw sina Kim at Xian in terms of TV commercials, na sinasang-ayunan naman namin.
Sa TVC lang sila bumabawi kasi hindi naman lahat ng pelikulang ginawa ni Kim ay kumita at sa katunayan ang “Bakit Hindi Ka Crush Ng Crush Mo” pa lang daw ang kumita sa mga ito na umabot sa mahigit P150 million.
“Ang mga naunang pelikula ni Kim with Gerald (Anderson) ay flop at ‘yung isa ay naka-break-even kaya kung susumahin mo, isa palang ang hit movie ni Kim, ‘yung ‘Bakit hindi Ka Crush Ng Crush Mo’ at hopefully, itong ‘Bride for Rent’ nga,” bulong ng aming source.
Ito rin ang dahilan kung bakit marami ang nagsasabi na si Xian talaga ang bagay na ka-loveteam ni Kim dahil talagang pinapanood ng mga tao.
Anyway, naniniwala naman kaming kikita ang “Bride for Rent” dahil romantic comedy ang pelikula na idinirek ni Mae Czarina Cruz at super naaliw kami kay Kim sa totoo lang. May mga piling eksena lang na over acting na siya.
Bago kami pumunta sa premiere night ay naisip naming bigyan din namin ng magandang rebyu ang acting ni Xian Lim, may kaunti kaming nakitang pwede na, pero sa kabuuan, mas lumutang talaga si Kim Chiu.
Pero may isang eksena si Xian na tumatak naman sa amin kaya nasabi naming, may development na rin sa kanyang acting.
Naitawid niya kasi ang isang eksena sa pelikula kung saan tahimik lang siyang umiyak nang malaman niyang fake ang kasal nila ni Kim dahil sa kagagawan ni Lala (Pilita Corrales).
Gusto rin naming papurihan ang kasama nina Kim at Xian sa movie na si Empoy dahil karamihan sa mga eksena niya ay talagang tumawa kami, napakanatural kasi ng arte niya. Nagtataka nga kami kung bakit pinakawalan pa siya ng ABS-CBN. Nasa TV5 ngayon ang komedyante.
Samantala, mukhang hindi naman napansin ni direk Mae ang malamyang kilos at pilantik ng mga daliri ni Martin doon sa eksenang inaayos nito ang suit ni Xian habang isinusuot ng aktor ang Amerikana sa araw ng kasal nila ni Kim. Hmmmm, dapat siguro maging aware si Martin sa mga ganitong pagkakataon dahil hanggang ngayon kasi ay hindi tumitigil ang pagkuwestiyon sa kanyang pagkalalaki.
Maayos at nakakatawa naman ang pelikula, pero merong mga eksena na parang hindi nabantayan ang mga anggulo nina Kim at Xian.
Siyanga pala, nagandahalan kami sa mga jacket at boxer shorts na ginamit ni Xian sa movie, iyon pa ang isa sa mapupuri namin sa aktor. Ha-hahaha!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.