ABS-CBN napilitang higitan ang ‘LANGIT’ na alok ng TV5 kay Kris
MARAHIL ay hindi na umabot sa level ni TV5 President Noel Lorenzana na inoperan ni Mr. Manny V. Pangilinan, Chairman at Chief Executive Officer ng nasabing network si Kris Aquino ng executive position dahil nu’ng tanungin daw ang una tungkol sa nasabing offer ay mariin niya itong itinanggi.
Ayon sa katotong nagtanong kay Mr. Lorenzana ay hindi raw totoong may offer si MVP sa Queen of All Media dahil hindi sinabi sa kanya.
Naalala tuloy namin ang kuwento ng aming source na kasama nina Kris at MVP sa naganap na meeting kamakailan, “Langit ang offer ni MVP kay Kris, Reggee at hindi lang kami nag-meeting para sa offer, nagkita kami bilang mga magkakaibigan, dati na naman naming ginagawa iyon bilang magkakaibigan.
Pag nagkukuwentuhan kaming tatlo, hindi business, more on personal at nata-tackle lang ang business. “Kaya lito si Kris sa offer dahil ‘langit’ nga, pero she has to decide at sa pakiwari ko after the meeting with MVP, Kris will remain a Kapamilya, I don’t think, she’s ready do leave ABS-CBN. Of course, we love MVP, pero hindi pa time.”
Nagpaalam kami kung puwede naming isulat ang usapan naming ito ng aming source, “Huwag na muna, hayaan mong si Kris ang magsabi kung magre-renew na siya, huwag mo siyang pangunahan, but all I know, she will not leave ABS-CBN.”
Puwede bang sabihing nagpataas lang ng presyo si Kris kaya niya in-entertain ang offer ni MVP? “Puwedeng sabihin iyon ng lahat, puwedeng isipin iyon ng lahat, pero at the end of the day, loyalty pa rin ang mananaig and I believe Kris is very loyal to ABS. Kaibigan namin si MVP, wala kang masasabi sa taong ‘yun, sobrang bait at matulungin,” katwiran sa amin.
Samantala, hindi lang pala si Kris ang inoperan ni Mr. Pangilinan ng “langit” na position sa TV5, maging ang TV host na si Boy Abunda ay may offer din, pero kaagad na palang sinabi ni kuya Boy na hindi niya iiwan ang ABS-CBN, at isa rin marahil ito sa mga dahilan kung bakit hindi lumipat ang Queen of All Media.
Alam naman ng lahat na isa si kuya Boy sa consultant at manager (commercials and movies) ni Kris tulad ni Deo T. Endrinal na manager naman niya sa ABS-CBN na may mataas na posisyon na wala ring planong iwan ang Kapamilya network dahil producer siya ng maraming shows sa Dos kaya anong mangyayari nga naman kay Tetay kung mag-isa siyang lilipat sa TV5?
“Remember, Reggee, si Sharon Cuneta, dinala rin niya ang mga gusto niyang staff, pero anong nangyari? Magulo sa TV5, ayusin muna nila ang istasyon nila.
“Hindi naman artista ang problema, ang sistema nila, kulang ang TV5 ng magagaling na tao para ayusin ang mga programa nila at higit sa lahat, hindi sila sumusunod sa nakatataas sa kanila, may kani-kaniya silang paksyon,” paliwanag mabuti sa amin ng aming kausap.
Siguro nga, hindi pa panahon para iwan ni Kris Aquino ang ABS-CBN, di ba bossing Ervin. (Ha-hahaha! Ako pa talaga ang tinanong mo Reggs, ha! Noon pa feel ko nang hindi niya iiwan ang Dos! – Ed)
Nakakaloka si Kris Aquino dahil isang araw lang ang pagitan bago siya nakapagdesisyon na hindi niya iiwan ang ABS-CBN.
Noong linggo ng gabi ay nag-post siya sa kanyang Instagram account ng, “No decision has been made, negotiations are ongoing, I simply explained what’s in my heart.
Will enjoy our last few days here in London. Will look forward to watching a couple more musicals, doing some more sight seeing, and experiencing afternoon tea then buying a few more teapots.”
At noong Lunes ng gabi ay sinabi na niyang magre-renew siya ng kontrata niya sa ABS-CBN kasabay ng pagdedenay na may tinanggap din siyang offer mula sa GMA 7.
Nagpasalamat siya sa mga bossing niya sa ABS at sa ilang Kapamilya executives na nakatrabaho niya sa napakahabang panahon. At higit sa lahat, nagpasalamat din siya sa mga nanonood ng kanyang mga shows.
“And the most important THANK YOU is for all the KAPAMILYA viewers, thank you for watching me, enjoying me & making me part of your daily viewing.
Because of your support I get to continue a job I love & I am also able to provide well for Kuya & Bimb… From my heart, MARAMING SALAMAT KAPAMILYA!!!” sey ni Kris.
Anyway, sana makatsikahan namin si Kris pagkatapos niyang pumirma ng kontrata para naman malaman natin kung anu-ano ang mga bagong laman ng kontrata niya at ilang taon ito tatagal.
Tinapatan kaya ng ABS-CBN management ang executive position o ang “langit” na offer ni MVP kay Kris?
( Photo credit to Google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.