Vilma mas masahol pa ang naging problema sa BIR kesa kay Pacman
SA pagtatapos ng pagdiriwang ng ika-432nd anibersaryo ng Batangas noong Dis. 7 ay isa kami sa naimbitahan para manood sa grand finals ng Voices, Songs and Rhythm ng 2013 Ala Eh Festival.
Pero bago kami tumulak sa Batangas CT Coliseum ay nakatsikahan muna namin si Gov. Vilma Santos-Recto kung ano ang masasabi niya kay Peoples Champ at Sarangani Rep. Manny Pacquiao hinggil sa kasalukuyang problema nito sa BIR.
Ang Batangas governor ang tanda naming unang nagkaroon ng ganitong kaso noong kasagsagan pa niya sa showbiz at naging malaking balita ito noon sa kasaysayan ng industriya. Iisa lang ang payo ni ate Vi kay Manny, “compromise.”
“Nangyari na sa akin ‘yan. Frozen ang pera ko, kaya ang Viva at ang Regal, kung bayaran ako, cash. Kaya ang pera ko noon, nasa maleta, kasi nga frozen ang bangko.
But with the help of Manay Ichu (Vera Perez) and Atty. (Espiridion) Laxa—you know saan kami nagtapos? Compromise.”
Hindi naman daw mahirap kausap ang BIR basta’t willing kang makipag-usap sa kanila.
Ang ipinakiusap daw noon ng Star for All Seasons, “Paano ang way of payment na gagawin ko? Willing ako na magbayad, konting adjust naman tayo, kasi hindi ko kaya ang ganyang kalaki, so, it’s a compromise.”
Binanggit namin kay Ate Vi na noong panahon niya ay okay ang BIR chief kaya madali silang nagkaroon ng magandang pag-uusap, e, ngayon parang sobrang istrikto ni Kim Henares.
Pero ipinagtanggol ni Ate Vi ang head ng BIR, “si Commissioner Kim, she’s the one saying (nga), ‘Just come and we can talk about it.’ Sabi niya, ‘Just come. Maybe we can come up with a compromise.
“So, ibig kong sabihin, they’re open about it and it happened to me! Natapos ang kaso ko sa BIR through compromise.”
Magkano ba ang atraso noon ni Ate Vi sa BIR, “That time, two million, malaki na ‘yun, ha.
‘Yon ang nagpalubog sa akin, kaya nga ang bayad sa akin, cash. Walong pelikula sa Viva, walong pelikula sa Regal ang ginagawa ko.
“And then, yung anim, wala akong nakukuha, diretso ‘yon sa BIR. Kaya trabaho ako nang trabaho, wala akong pera,” pagbabalik-tanaw ng gobernadora.
Samantala, aminado si ate Vi na may pagkakamali rin siya dahil masyado siyang nagtiwala sa accountant niya noon, “Pumipirma ako ng pera for BIR, cash! Hindi pala napupunta doon.
Pumipirma ako ng tseke, milyon. Knowing na part of that will be paid sa BIR. “E, luka-luka naman ako, one million, magpipirma ka ng cash? E, paano, titiyempuhan ako, tulog. Pagod na pagod.
‘O, pirmahan mo ito, importante.’ Kaya kung minsan, mahirap ang masyadong mabait. To be honest, kailangan din may salita ka. “At isang kasalanan ko doon, tanggap lang ako nang tanggap. Sa pagod namin, walang accounting.
Ang alam ko, everything was okay. Akala ko ibinabayad sa bahay. Bago ko nalaman, wala pala! May kaso na ako. Hindi ako nagtse-check. Kami rin was partly to blame,” kuwento pa ni ate Vi.
“Ngayon, every month, nagtse-check ako ng marketing. Saka kung may ibinigay ako na pera, ‘O, anu-ano ang mga ginasta?’ Expensive education. Ano pinamili?’ Ganito? Bakit ang taas?’
‘E, ang mahal po ngayon ng manok.’ A, okay, napanood ko naman sa news, mataas talaga,” natawang sabi pa ng aktres.
Ang payo naman ni Ate Vi sa mga hindi nakakaintindi kay Pacman, “Let’s face it, Manny is, in a way, our hero.
Sobra na rin ang ibinigay niya sa bansa natin. Kung meron man tayong dapat purihin at siyempre bigyan din ng respeto, si Manny Pacquiao. But, may responsibilidad din tayo.
“I mean, hindi puwedeng balewalain ‘yon, lalo na sa pagbabayad ng tax, buwis ng tao, dahil talagang batas ‘yan. Yun ang masasabi ko, kasi it happened to me.
Pero ‘yung respeto, huwag nating tatanggalin sa kanya kasi nagbibigay talaga siya ng karangalan sa bansa,” pahayag pa.
Samantala, hiningan siya kung ano ang masasabi niya sa nangyari kay Anne Curtis na nanampal daw at nagsisigaw sa isang private bar, “Tao rin kami. ‘Yun lang.
Tao rin po kami. We’re not perfect. It doesn’t mean na kapag may nagawa kang masama, masama ka na the whole time. Of course not. Because nothing is perfec,” nakangiti niyang paliwanag.
Samantala, bongga ang ginanap na Voice, Songs at Rhythm (Timpalak Awitan) grand finals dahil ang grand winner ay nag-uwi ng P100,000, 2nd prize P75,000, 3rd prize ay P50,000 at makakatanggap ng tig-P10,000 lahat ng hindi nanalo.
Sina Gabby Concepcion, Amy Perez, Maja Salvador at Roderick Paulate ang hosts samantalang sina Marian Rivera, Yayo Aguila, Dolly Ann Carvajal, Jessa Zaragoza, Elmo Magalona, WCOPA grand champion, Jed Madela, PGT winner Marcelito Pomoy, The Voice finalists, Janice Javier, Myk Perez at Radha Cuadrado ang judges at si Jose Mari Chan ang chairman of the board.
( Photo credit to Google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.