Vice kinausap nang masinsinan ni Maricel: Umiyak ako nang umiyak!
KARUGTONG pa rin ito ng Vice Ganda interbyu namin sa nakaraang presscon ng “Girl Boy Bakla Tomboy” na entry ng Star Cinema at Viva Films sa 39th Metro Manila Film Festival na mapapanood na sa Dis. 25.
Inamin ng TV host-comedian na kumpleto na ang pagiging artista niya kapag nakasama at nasampal siya ni Maricel Soriano sa pelikula. Kaya nang malaman daw niya kay Direk Wenn Deramas na ka-join ang Diamond Star sa pelikula ay kaagad niyang tinanong kung sasampalin siya.
Pero bago raw iyon ay naikuwento ni Vice na sa pictorial ng cast ng pelikula ay tinanong siya ni Marya kung ano ang puwede nitong maitulong para mas lalong gumaling ang TV host sa pag-arte nito.
“Isang beses, noong nag-pictorial kami, nag-iyakan pa kami sa likod bago kami mag-pictorial. Sabi niya sa akin, ‘Mamaya ka na magpakuha, mag-usap muna tayo nang masinsinan.’
“Sabi niya, ‘Ano ang kailangan mo para mas maging mahusay ka sa pelikulang ito? ‘Pinanonood kita, e, ngayon lang tayo nagkasama. Nakakatawa ka, sobra kang nakakatawa.
“Ang galing mong magbitaw ng punchline, ang galing mong magpatawa. Pero ano ang kailangan mong matutunan para maging magaling kang actor, ibibigay ko sa ‘yo.’
“Kasi, naramdaman ko ang sincerity. Hindi lang sa merong ino-offer, pero yung sincerity. Kaya sabi ko, ang generous ng mga taong ito, kasi hindi lang para sa kanila ang iniisip nila kung hindi para sa akin.
“Kaya kailangan kong gawin ‘to. Kailangan kong galingan para hindi lang masayang ang lahat ng nagpagod. Kasi, hindi lang ako, napakarami talagang nagpagod, nagtulung-tulong sila.
“Noong sinabi nga ni Inay Marya ‘yun, hindi na ko nakapagsalita, umiyak na lang ako nang umiyak,” pagkukuwento ng komedyante.
At dahil iyang nang iyak si Vice ay hindi niya nasabi kay Maricel kung ano ang gusto niya. “Pero sabi niya sa akin, ‘Sige, kung ano ang nakikita kong kailangan mo, ibibigay ko na lang, nababasa ko naman ang mata mo.’
“Siyempre, hindi ko naman maisip kung ano ang kailangan ko, hindi ko rin naman alam kung ano ang kakulangan ko. Ang makakaramdam noon, yung mga taong nakakakita sa akin,” say pa ng komedyante.
Going back to “sampal” na hinihiling ni Vice kay direk Wenn ay laking tuwa niya nang pagbigyan siya ng direktor, “At sabi niya (direk Wenn), ‘O, eto na, makakatanggap ka.’
“Hindi pa po nakukunan, pero sabi niya, ‘Makakatanggap ka nang bongga! Tingnan ko lang kung hindi mo pagsisihan, mabigat ang kamay niyan!’
“Ay naku, gusto ko! ‘Yan ang trophy ko kapag nasampal ako ni Maricel sa pelikula,” nakatawang sabi ni Vice. Best actor award naman ang hiniling na kapalit ni direk Wenn kay Vice para sa “Girl Boy Bakla Tomboy”.
“Hinamon niya ako, e. Kaya binigyan ko rin ng challenge ang sarili ko na, ‘Sige, ibibigay ko sa ‘yo.’ “Siyempre, di ba, pinapatapang ako ng mga taong nakapaligid sa akin?
Kaya gusto ko rin maging matapang, hindi lang para sa sarili ko kung hindi para sa kanila rin. “Kasi ang achievement ko, achievement din ng mga taong sumusuporta sa akin.
“Kapag na-achieve ko ‘yan, sina Direk Wenn, sina Deo (Endrinal), sina Inay Marya, lahat sila, mas una pang tatalon para sa akin.
“At nakakatuwa, kasi hindi ko ‘to tinrabahong mag-isa, ang dami nilang nagtulong-tulong,” nakangiting sabi ng TV host.
Samantala, inamin ni Vice na hirap siyang gampanan ang papel na tomboy sa pelikula dahil, “Kasi may tendency siya na magkapareho yung acting ng tomboy at saka lalaki.
Kapag tinigasan ko siya, maaaring magkapareho ang tomboy at lalaki. “Kaya kailangang ma-differentiate or mabigyan ko ng linya yung pagkakaiba ng dalawang character,” aniya pa.
Pero minani lang daw niya ang karakter na girl, “Favorite ko ‘yung girl kasi siyempre, dream ko maging ganoon kaya excited ako.
“Kapag kukunan ng eksena ang girl, kapag magba-blond na ako, magbu-boobs na ko, pinaka-favorite ko ang girl,” aniya.
Tungkol naman sa co-star nilang sa movie na si Ejay Falcon, inamin ni Vice na may pagnanasa siya sa binata, “Pinakabagong pantasya ko si Ejay noong panahon po na yun. Pero ngayon po, hindi na.
“Kaya ni-request ko po talaga na kasama si Ejay sa movie na ito… ayan, ha! “Tapos, kung kumusta siyang katrabaho? May kabigatan po!” natawang sabi ni Vice. “Hindi, joke lang. Magaan, kasi close po kami ni Ejay,” kuwento pa niya.
( Photo credit to Google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.