Pokwang Pinagalitan Ang Anak Sa Maling Pagtrato Sa Mga Kasambahay
Inamin ni Pokwang na nagkaroon ng immersion para sa role niya sa pelikulang “Call Center Girl” dahil gusto niyang malaman kung ano ang takbo ng buhay ng isang call center.
Sa ginanap na presscon ng pelikula noong Linggo ay naikuwento ng komedyana, “Sa pinuntahan naming call center, inalam ko talaga ang buhay nila, para rin silang OFW na hindi umaalis ng Pilipinas.
“Ganu’n din, hindi rin nila nakikita ‘yung mga mahal nila sa buhay kasi baligtad ‘yung oras ng buhay nila, (tulog sa araw) parang nasa ibang bansa. At ang maganda, hindi sila nagdi-discriminate ng gender, tanggap nila kung ano ka, for as long as alam mong gawin ‘yung trabaho mo and alagang-alaga sila kung saan sila nagtatrabaho. Spoiled nga sila roon, lahat ng kailangan nila nandoon, in fairness,” kuwento ni Pokie.
Samantala, bukod sa pagiging OFW ni Pokwang ay inamin din niyang naging kasambahay siya noong kabataan niya para matustusan ang pag-aaral.
Kaya nagulat na lang kami ng ikuwento niya sa Q & A na pinagalitan niya ang anak niya nang marinig nitong sinasagut-sagot ang kasambahay nila.
“Kasi naging kasambahay ako during my high school days, ayun, para makapag-aral ako, tinanggap ko ang pagiging kasambahay at wala akong suweldo kasi sagot nila ‘yung tuition fee ko, kumbaga iba talaga ang pagmamahal ko sa mga kasambahay kasi naranasan ko ang maging tulad nila.
“In-explain kong mabuti (sa anak) na, ‘Imaginin mo, na ikaw ‘yung anak ng isang kasambahay at narinig mong ginaganyan-ganyan ang nanay mo, anong feeling mo?
“Nag-sorry naman ang anak ko and after that, naging sobrang close naman sila, e, kaya lang kasi nag-asawa na, so ayun, umuwi na ng probinsiya, I think hanggang ngayon may communication sila, kasi iyon halos ang nag-alaga sa anak ko,” ani Pokie.
Not once but twice raw naging maid ang komedyana, “Noong nasa grade six ako and noong high school, dito lang sa Manila, malapit din lang sa lugar namin (Antipolo). Mahirap maging kasambahay kasi lalo na sa edad ko noon, napakabata (12) ko pa at ang hangarin ko lang naman makapag-aral.”
Dalagita na rin pala ang nag-iisang anak ni Pokie at nag-usap na silang mag-ina tungkol sa mga manliligaw nito, “Sabi ko naman sa kanya sa edad mong ‘yan (17), may mga manliligaw ka, bukas ang bahay at maganda ‘yung hindi ka pinupucho-pucho (biru-biro) ng lalaki kasi hindi naman pucho-pucho rin ang pag-aalaga ko sa ‘yo,” aniya.
At pinaghahandaan na rin daw ni Pokie ang nalalapit nitong debut party sa susunod na taon.
Nabanggit ding isa sa may crush sa anak ni Pokie ay ang komedyanteng si Ryan Bang, “Si Ryan Bang kasi crush na crush niya ‘yung anak ko. Wala, nangingiti lang, alam mo naman bungisngisera ‘yun, natutuwa siya kay Ryan Bang.”
Type ba ng dalaga niya ang aktor, “Hindi ko naman natanong regarding kung type niya, pero natutuwa siya ni Ryan Bang. Oo, okay lang na ligawan niya anak ko, mabait ang batang ‘yun at saka marespeto,” papuri ni Pokie sa Koreano.
Sa pagtatapos ng “Call Center Girl” presscon ay naluha si Pokie kaya’t inalam kung bakit, “Kasi sobrang overwhelmed ako sa suportang ibinibigay ng buong cast, kumbaga, ganito pala ang ipinakisama ko, ang itinanim sa mga kasama ko mula sa direktor at sa buong staff, kaya nga nakakaiyak kasi matatapos na ang shooting namin,” paliwanag nito.
Showing na sa mga sinehan sa darating na Nob. 27 ang “Call Center Girl”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.