ARIELLA ARIDA bigo pa ring maiuwi ang korona ng Miss U
Itinanghal na 3rd runner up sa kakatapos lang na Miss Universe pageant sa Crocus City Hall sa Moscow, Russia ang pambato ng Pilipinas na si Ariella Arida habang ang pambato naman ng Venezuela na si Gabriela Isler ang tinanghal na Miss Universe 2013.
Tinalo ng 24 anyos na beauty queen mula Laguna ang 80 pang ibang kandidata nang pumasok ito sa top five kasama ang tinanghal na 1st runner up na si Patricia Rodríguez ng Spain; 2nd runner up na si Constanza Báez ng Ecuador; ar 4th runner up na si Jakelyne Oliveira ng Brazil.
Damang dama ng mga Pinoy na tumutok sa kumpetisyon ng madaling araw ang tensyon ng huling tawagin sa top 16 si Ariella matapos nitong makuha ang pinakamataas na online votes.
Sunod na naman na rumampa si Ariella sa swimsuit competition. Suot ang kanyang seksing red bikini, agaw eksena muna ang ginawang lakad na may kasamang pag-ikot ni Miss Philippines bago tawagin papasok sa top ten.
Hindi nawala ang kumpyansa ng Chemistry graduate ng University of the Philippines-Los Banos sa evening gown competition nang elegante nitong pinarada ang suot na dilaw na gown.
Matapos nito ay tuluyan na ngang pumasok si Ariella sa top five. Pagdating sa final question and answer, tinanong ng huradong si Tara Lipinski si Ariella kung ano nararapat gawin tungkol sa kakulangan sa trabaho sa mga kabataang nagsisimula pa lang ng kanilang mga karera saan man sa mundo.
Buong puso namang sumagot si Ariella na, “For the people who have lack of jobs, I do believe that we people should invest in education and that is my primary advocacy, because we all know that if everyone of us is educated and well aware of what we are doing, we could land into jobs and we could land a good career in the future. Education is the primary source and ticket to a better future.”
Tanging si Ariella ang kandidatang sumagot ng Ingles at hindi gumamit ng interpreter. Ipinagpatuloy ni Ariella ang sunod sunod na pagkakapasok ng Pilipinas sa top five matapos itong simulant ni Miss Universe 4th runner up Venus Raj noong 2010.
Sinundan ni Ariella ang yapak ni Shamcey Supsup na nagwagi rin bilang 3rd runner up noong 2011. Nananatiling si Janine Tugonon pa rin ang kandidatang pinakamalapit sa korona nang manalo itong 1st runner up noong nakaraang taon kasabay ni Miriam Quiambao na muntikan naman masungkit ang titulo noong 1999.
Ang “Miss Universe” ay inihatid live ng Kapamilya Network sa cable via Velvet at via special telecast sa ABS-CBN. Ang ABS-CBN pa rin ang opisyal na partner at tahanan ng Miss Universe Organization sa bansa.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.