JANELLA EJERCITO: Sinasabi nila sa akin, ‘Paglaki mo para ka ring ama mo…CORRUPT ka rin!’
HINDI nagdalawang-salita si Nay Cristy Fermin sa mag-inang Precy Estrada at Janella Ejercito na gusto silang kapanayamin para sa Showbiz Police na umere kahapon ng gabi sa TV5.
Ang kundisyon ay si San Juan Councilor Janella lang ang magsasalita at hindi kasama ang mama nito dahil wala naman daw ito sa pulitika.
Narito ang panayam ni Nay Cristy sa Cornered By Cristy segment ng Showbiz Police. Unang tanong, paano nakakayanan ng pamilya ni Sen. Jinggoy Estrada ang mga isyung ibinabato sa tatay nila?
“Nu’ng una pong nagkaroon ng isyu na nakulong ‘yung lolo at daddy ko po, sa school po lagi po akong binu-bully kaya po nu’ng time na ‘yun, gusto sana ni mommy (Precy Ejercito) na ilipat ako ng school pero sinabi ko sa kanya na ‘wag na lang.
“Hindi ko ito sinasabi sa parents ko, ako lang talaga ang humaharap sa kanila pero kasi before nu’ng binu-bully ako, grade school pa lang ako nu’n, ‘yun ‘yung time na hindi pa ako marunong lumaban tsaka ‘yun ‘yung time na hindi ako nagsasalita kaya everytime na papasok ako ng school tahimik lang ako.
“Minsan kapag breaktime magla-lunch kami ‘yung lunch box ko nasa harap ko nagtatago ako habang kumakain kasi lahat ng taong dumadaan ang daming sinasabi, nakatingin silang lahat sa akin, ganito raw ang tatay ko, ganito raw ang lolo ko.
“Tapos mayroon pang instance na breaktime, tapos bumababa ako ng hagdanan ‘yung isang upper batch sa akin ginanu’n ang paa ko (pinatid), dinapa po ako sa stairs,” unang kuwento ni Janella.
Maging sa social media ay binu-bully sila, “Sa Instagram po, sinasabi po paglaki mo para ka ring tatay mo corrupt ka rin, ganu’n kasi nga po since public servant na rin po ako parang sa akin na po binabato ang lahat,” say ng konsehala ng San Juan.
Pati raw ang pitong taong gulang na anak ni Sen. Jinggoy na si Jill ay nakatikim din ng hindi magandang trato mula sa mga kaklase niya.
“May nag-post sa FB (Facebook) na isang matandang lalaki na si Jill nga raw po dinadala ang phone sa school tapos sabi raw ng mga classmates niya kung puwede raw po ng mga classmates niya na hiramin ‘yung phone kasi nga pera rin daw nila ‘yun (galing daw sa tax ng taumbayan) pero nu’ng lumabas ‘yung isyu na ‘yun tinanong po ni mommy si Jill, hindi naman daw dinadala ‘yung cellphone sa school at nasa kotse lang daw,” pahayag pa nito.
Ramdam daw ni Janella na sobrang apektado na ang tatay niya sa isyung pork barrel scam, “Actually pumunta po siya sa kuwarto ko niyakap niya ko sabi po niya pagod na raw po siya (naiiyak na) niyakap niya ako, kasi hindi naman po siya ganu’n, pagod na raw siya sa mga isyu na naririnig niya na hindi naman totoo.
Masyado na po silang sinisira lalo na ng social media,” kuwento ng dalaga. Ano nga ba ang kaugnayan ng pamilya Estrada sa pamilya ni Janet Lim Napoles at may mga litratong magkakasama sila, “Opo (kakilala ang pamilya Napoles), si Ms. Janet Napoles ay kaibigan (ng mommy ko),” pag-amin ni Janella.
At dahil nadadamay ang tatay niya sa isyu kay Napoles ay kaibigan pa rin ba ang turing ng mama niya sa kanila, “Oo naman po.” Naikuwento rin ni Janella na kapag kaarawan ng kanyang inang si Precy ay bisita nila ang pamilya Napoles.
Dapat daw makulong ang lahat ng sangkot sa pork barrel scam, anong masasabi ni Janella rito? “Sa totoo lang po mahirap po sa amin kung mangyari po ulit ‘yun, pero siguro naman po lalabas at lalabas rin naman po ‘yung katotohanan kaya sa ngayon po nagdarasal na lang po kami na sana po hindi na mangyari ‘yung nangyari po sa amin dati dahil napakahirap po sa pamilya namin na pagdaanan ulit ‘yun,” malungkot nitong sabi.
Sa mga taong humuhusga kay Sen. Jinggoy ay may pakiusap ang panganay na anak, “Ang sagot ko lang po diyan parang ‘wag muna silang magsalita, wala naman po talaga silang alam na ‘yung pinapakinggan lang po nila ‘yung mga hearsays lang ng mga tao,” aniya.
Ito naman ang mensahe ni Janella sa tatay niya, “Dad alam ko kayang kaya mo ito, alam ko na malalampasan mo lahat dahil alam ko naman na you’re not guilty of anything ituloy mo lang ang pagseserbisyo sa tao.”
Samantala, kuwento pa ni Janella kalog daw ang kanyang ama kapag nasa bahay at sobrang kulit, bagay na hindi alam ng taumbayan.
( Photo credit to Google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.