JULIA, ENCHONG, ENRIQUE nambulabog sa MALL, 50 security guard naalarma
Saksi kami kung gaano karami ang taong nanood sa original soundtrack album launching ng Muling Buksan Ang Puso na ginanap sa Trinoma Activity Center noong Linggo ng hapon sa pangunguna nina Enchong Dee, Julia Montes at Enrique Gil with special guests Juris at Angeline Quinto dahil mula sa ikaapat na palapag hanggang ibaba ng nasabing mall ay hindi na madaanan ng tao.
Kuwento ng guwardiyang pinagtanungan namin ay alas onse palang ng umaga ay dagsaan na ang tao at dumiretso kaagad sa activity center para mag-reserve ng upuan.
Halos lahat ng supporters nina Enrique, Julia at Enchong na may dala-dalang streamers, ay hiyawan nang hiyawan na akala mo’y wala nang bukas pa.
Grabe ang lakas ng ulan at hangin sa labas ng mall dahil paparating na ang bagyong Labuyo, pero mas malakas pa rin ang sigawan, tilian, padyakan ng mga paa ng audience nang tawagin na si Enrique para sa production number niyang “Gentleman” na halos ikalaglag panty ng mga babae dahil nga ang seksing sumayaw ng aktor.
Kilig na kilig naman sina katotong Vinia Vivar at Maricris Nicasio habang sumasayaw si Enrique kaya’t tinutukso namin ang dalawa.
Pagkatapos ng aktor ay si Julia Montes naman ang lumabas at kumanta ng “The One That Got Away”, feel na feel ng dalaga na isa siyang singer.
At todo hiyawan na naman ang lahat nang lumabas si Enchong para sa awiting “Sa Isang Sulyap Mo” na ilang beses bumaba ng entablado kaya’t nataranta ang 25 marshals mula sa ABS-CBN at 25 security mula naman sa Trinoma dahil talagang dinadamba ang aktor.
Trulili bossing Ervin, ganu’n karami ang guards at marshals sa venue bukod pa ‘yung mga nagbabantay sa bawa’t palapag ng mall dahil nga pati ‘yun ay napuno na rin ng mga tao.
Napapangiwi naman kami sa duet nina Enchong at Julia para sa awiting “Just Give Me A Reason” dahil talagang mega-emote pa ang aktres kahit na hindi niya na abot ang tono. Sabi nga namin, parang si Anne Curtis lang ang peg niya? He-hehehe!
Pagkatapos ng duet ay lumabas naman si Enrique para sa awiting “Naaalala Ka” na bumaba rin ng stage at kumuha ng makaka-partner niya. Pagkatapos ng show ay may autograph signing pa ng album, umabot sa 500 CD’s ang nabenta.
Samantala, marami raw nag-react nu’ng malamang 13 weeks lang ang itatagal sa ere ng Muling Buksan Ang Puso, tanong ng mga fans na nakausap namin, hindi na ba raw ito puwedeng i-extend?
“Nagagalit ang supporters ng Muling Buksan, i-extend daw namin,” say ng Dreamscape Production head na si Deo T. Endrinal nang makatsikahan namin sa nasabing event.
Bukod sa bossing ng Dreamscape ay naroon din ang program manager ng MBAP na si Ethel Espiritu at buong AdProm staff headed by Biboy Arboleda.
( Photo credit to Google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.