VICE: Mawawala at mawawala ang GGV, pero hindi pa ngayon!
MAY tsikang mawawala na ang Gandang Gabi Vice ni Vice Ganda kaya agad naming tinanong ang executive producer ng show na si Lani Gutierrez-Zulueta, at ang gulat niyang sagot sa amin, “Huh! Hindi ‘no!”
Oo nga naman, kami rin ay nagtataka sa balitang ito dahil paano mawawala ang GGV, e, ang taas ng ratings at nag-uumapaw ang commercial load nito.
Kumalat na ang balita kaya ang manager daw ni Vice na si Deo T. Endrinal ay tinanong naman ang business unit head ng show na si Louie Andrada at nagulat din ito dahil wala naman talagang planong tsugihin ang show.
Kaya sa nakaraang taping ng GGV ay pinuntahan namin si Vice para kunan ng reaksyon kasabay na rin ng promo ng show nina Richard Yap at Jodi Sta. Maria sa FSUU Gym, Butuan City sa Agosto 3.
“Mawawala at mawawala naman talaga ang GGV, but not anytime soon!” biro ni Vice sa amin. “Wala namang programang hindi mawawala, eh,” say pa nito.
Nagbiro naman si Mico del Rosario ng Star Cinema at Star TV ng, “At saka ang peg ng GGV, Lovingly Yours at MMK.”
Nakita kasing nag-iiyak si Vice sa White Party ni John Lapus kaya naisip na ang pagkawala ng GGV ang dahilan, “Birthday kasi ni Sweet ‘yun, so may personal lang kaming pinag-usapan.
Okay naman kami, kaya lang maraming unspoken words, maraming okay pero hindi pala. Tapos medyo nakainom pa ako ng slight, so (sabi ko), ito na ‘yung moment (magkausap sila ni Sweet),” kuwento ni Vice.
Dalawang taon na ang Gandang Gabi Vice, “Tagal na no’n ah. As the things are going, wala naman dahilan para tanggalin ang GGV, for now, ha,” katwiran pa ng TV host.
Samantala, patuloy na nagrereyna sa timeslot nito ang Gandang Gabi Vice dahil base sa pinakahuling datos mula sa Kantar Media noong Linggo (Hulyo 14) kung kailan guest ni Vice ang The Voice of the Philippines coach na si Apl.de.Ap at ang sikat na hip-hop artist na si Abra ay nakakuha ito ng 19.7% national TV ratings, o mas mataas ng limang puntos sa katapat nitong programa sa GMA na Imbestigador na nakakuha lamang ng 14.6%.
Samantala, natanong din namin si Vice tungkol naman sa hindi seryosong role niya bilang tikbalang sa Juan de la Cruz dahil parang wala raw siyang bagong ipinakita.
Akala kasi ng manonood ay malayo ang karakter niya bilang komedyante sa ginagampanan niya bilang si Santana na reyna ng Tikbalang.
“Hindi naman ako puwedeng magseryoso talaga at iyon naman ang ni-require sa akin. Hindi rin naman ako papayag kung dramahan ang atake kasi hindi naman ‘yun ang strength ko,” sey sa amin.
“At saka tapos na, three days lang naman ako du’n,” dagdag pa ni Vice. Guest lang daw talaga siya sa Juan dela Cruz at wala namang usapan na magiging mainstay siya roon, “Parang yung kay Santino (Zaijian Jaranilla), na maraming guests lang, ganu’n ang peg,” say pa ng TV host.
( photo credit to google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.