After 6 years: Ruel Bayani pumayag idirek ang ‘Kasal’ nina Bea at Derek

By Reggee Bonoan May 10,2018
share this

After 6 years: Ruel Bayani pumayag idirek ang ‘Kasal’ nina Bea at Derek

By Reggee Bonoan May 10,2018
share this


PAGKALIPAS ng anim na taon ay bumalik sa pagdidirek ng pelikula ang box-office hit director na si Ruel Bayani.

Siya ang nasa likod ng “Kasal” na pinagbibidahan nina Bea Alonzo, Paulo Avelino at Derek Ramsay, ang unang handog ng Star Cinema para sa kanilang 25th anniversary.

Huling pelikula ni direk Ruel ay ang “One More Try” na entry ng Star Cinema sa 2012 Metro Manila Film Festival kung saan bumida sina Dingdong Dantes, Zanjoe Marudo, Angelica Panganiban at Angel Locsin (na kumita ng P213 million).

Sa mediacon ng “Kasal” ay tinanong si RSB (tawag kay direk Ruel) kung anong meron sa pelikula para mapa-oo siyang magdirek uli dahil nga abala na siya bilang business unit head ng mga programa ng ABS-CBN kabilang na riyan ang Precious Hearts Romances Presents Araw Gabi nina JM de Guzman at Barbie Imperial.

“Ang isang direktor po ay laging naghahanap ng proyekto na magpapatibok sa puso niya na right combination of project, material, the cast, lahat ng staff and crew. At naramdaman kong bumalik para gawin itong ‘Kasal’ at that time hindi ko pa alam na pang-25th anniversary pala siya.

“Lagi naman pong nauuna ang material and then kapag napagdesisyunan na iyon, saka pinipili ‘yung tamang mga artista at nagkataon na I have the perfect cast. Ipinagyayabang ko na we have the perfect cast and and this is a perfect material para bumalik ako,” sabi ng director.

Ano ang mas fulfilling, ang pagiging direktor, business unit head o producer? “Well from the beginning of the business, never naging factor ang pera kung saan ako mas kikita ng malaki o saan ako mas yayaman.

“I started out film because iyon ang pag-ibig ko, passion ko, thankful ako dahil totoong napaka-stable ng buhay ko as business unit head, siguro ang maganda ro’n, sa pagkakataong ito, puwede palang magkita-kita lahat ‘yun at nagawa ko ‘yun kaya nagpapasalamat ako na pinayagan ako ng ABS-CBN dahil kung hindi ka nagtatrabaho sa isang open minded na company na naniniwala na puwede mong i-fulfill ‘yung buong potential mo ay hindi rin posibleng mangyari sa buhay ko ‘to.”

Puring-puri naman si direk Ruel ng mga artista niya dahil hindi nila na-feel ang pressure, binibigyan daw sila ng tiwala, oras, at kung anong gusto nilang sabihin o iarte sa isang eksena.

Bukod kasi sa nabasang script ng artista ay ipinaliliwanag pang isa-isa ni RSB ang mga kukunang eksena kaya maraming natutunan ang lahat sa set.

Mapapanood na ang “Kasal” sa Mayo 16 kung saan makakasama rin sina Cherie Gil, Cris Villonco, JC Alcantara, Vin Abrenica, Ricky Davao, Ces Quesada, Celeste Legaspi, Kylie Verzosa, Bobby Andrews, Cai Cortez at Christopher de Leon.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending