Duterte agaw-eksena sa advocacy film na ‘Kamandag sa Droga’ ni Carlo Caparas
MAGANDANG materyal para sa anti-drug campaign ng Duterte administration ang bagong advocacy film ni direl Carlo J. Caparas na “Kamandag Sa Droga” na napapanood na ngayon sa mga sinehan nationwide.
Star-studded ang movie na pinangungunahan nina Christopher de Leon, Mark Neumann, AJ Muhlach, Sarah Lahbati, Niño Muhlach, Assunta de Rossi, Ronnie Lazaro, Perla Bautista, Meg Imperial at ang binatang anak ni direk Carlo na si CJ Caparas.
Kasama rin dito sina Rap Fernandez, Ryan Eigenmann, Bret Jackson at marami pang iba with the special participation of Sen. Koko Pimentel and Mocha Uson.
Ipinakita sa pelikula ang masasamang dulot ng ilegal na droga sa buhay ng mga tao – na sa umpisa’y paliligayahin ka muna ngunit kalaunan ay unti-unti nang wawasakin ang buhay mo pati na rin ng iyong pamilya at ng iba pang taong nasa paligid mo.
Inspired ang kuwento ng “Kamandag Sa Droga” sa nangyaring Close-Up concert na ginanap sa SM MOA grounds noong nakaraang taon kung saan maraming kabataan ang namatay dahil diumano sa tabletang kanilang ininom na ihinalo sa mga bottled water.
Si Sarah Lahbati ang gumanap na performer sa nasabing concert, at habang nasa stage ay nagulat na lang siya nang humandusay sa harapan niya ang mga manonood na naging dahilan ng kanyang matinding depresyon sanhi ng trauma.
At para mawala ito ay hinimok siya ng kaibigang si Meg na mag-take ng ecstasy para kumalma siya, pero dahil hindi nakuntento sa pills kaya nagturok na rin siya hanggang sa ma-overdose at mamatay.
Sobrang higpit naman ni Christopher sa anak na si Mark na inakalang nagdodroga. Lingid sa kaalaman ng kanyang pamilya, siya pala ang adik kaya nang malaman ito ng asawang si Lorna ay agad nakipaghiwalay sa kanya at ipinahuli pa sa mga pulis.
Sa gitna ng kaguluhan sa kanyang pamilya, natuto na ring magdroga si Mark sa impluwensya na rin ng kaibigang si Meg.
Ginampanan naman ni Niño ang karakter ng isang drug lord na nagpakamatay ang anak sa sobrang kahihiyan nang malamang involved ang tatay niya sa drug syndicate.
Isinuplong naman ni CJ ang kapatid na si Ryan na lulong na rin sa droga dahil gusto niyang magbago ito.
Namumukod tanging ang anak ni direk Carlo Caparas ang hindi nalulong sa droga kaya siya ang lumabas na bida sa pelikula.
Maayos naman ang pagkakabuo ng “Kamandag Sa Droga” at talagang magsisilbi itong eye opener sa bawat pamilyang Pinoy para mas maging aware sa patuloy na problema ng bansa sa droga.
Ilang beses namang ipinakita si Presidente Rodrigo Duterte sa movie na nangangampanya laban sa illegal drugs kaya naisip namin na posibleng bahagi pa rin ito ng kanyang malawakang anti-drug campaign sa bansa. Hindi lang namin sure kung naglabas din ng pondo ang gobyerno para sa obrang ito ni direk Carlo.
Showing na ang “Kamandag Sa Droga” sa mga sinehan produced by Viva Films.
Pagkatapos naming mapanood ang pelikula sa ginanap na premiere night last Tuesday, naisip naming bigla kung ano na ang nangyari sa celebrity drug list ng PDEA at ng Malacañang na napabalita noong kasagsagan ng operasyon tokhang?
May mga artista pa kayang sinusubaybayan ang mga otoridad na posibleng sangkot sa ilegal na droga?
O, nabalewala na rin ito sa paglipas ng panahon? Wala na kasi tayong nababalitaan tungkol sa mga celebrity na may konel sa illegal drugs, no? Pansinin n’yo?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.