Matagal nang pangarap ni Rhian tinupad ng mga fans
HINDI napigil ng bagyong Gorio ang “Rhian Of Steel” concert ni Rhian Ramos sa Teatrino Promenade nitong nagdaang Sabado.
Kuwento nga ng admin ng CyberRhians fan club ng aktres, ilang araw bago ang mismong show ay soldout na ang ticket kaya nagpapasalamat sila dahil maraming sumuporta sa idolo nila (sa loob ng 11 years).
Ang CyberRhians ang producer ng “Rhian Of Steel” na isinabay sa pagdiriwang ng 11th year ng aktres sa showbiz. Matagal na palang pangarap ni Rhian na magkaroon ng anniversary concert.
“Pangarap niya at pangarap din po naming fans niya na magkaroon ng show kaya tinupad po namin,” kuwento ng isa sa fan ni Rhian na ayaw ipabanggit ang pangalan.
In return ay ano naman ang napapala nila sa pagsuporta kay Rhian, “Basta open po siya sa amin, masaya siya, masaya rin po kami, hindi kami nanghihingi ng kapalit,” saad pa.
Sa tuwing sasapit ang anibersaryo ni Rhian sa showbiz ay parating may project ang supporters niya at isinasagawa ito bilang fans day at ngayong 2017 lang naging mini-concert.
“Supposedly, fans day lang po sana ito, pero since performer naman din po si Rhian kaya napag-usapan naming ituloy na lang niyang mag-show,” pahayag ng ever loyal supporter ng dalaga na naging handler na rin niya sa katagalan.
Tulad din ng ibang fans club, may mga estudyante, professionals at meron ding walang pinagkakakitaan, pero nag-aambag-ambag daw lahat kapag may project sila.
Nitong nakaraang Abril ay namigay daw mga gamit pang-eskuwela ang CyberRhians sa mga estudyante sa pamamagitan ng programa ni Kara David at ang proceeds naman nitong “Rhian Of Steel” ay para sa lunchbox project ng mga estudyante at iba pang kakailanganin.
Tinanong namin kung nasaan sila noong dumaan sa matinding pagsubok si Rhian lalo na sa usapin ng lovelife.
“Ay hindi po namin siya iniwan, nakikiiyak din po kami kapag nakikita naming umiiyak siya, sobra, ganu’n po namin siya kamahal. Talagang ipaglalaban po namin siya,” pagtatapat ng loyalistang supporter ni Rhian.
At ngayong masaya ang lovelife ng aktres ay sobrang saya rin nila at very supportive sila sa lahat ng ginagawa ng dalaga. Botong-boto raw sila sa Fil-Chinese businessman boyfriend nitong si Jason Choachuy.
Pagkatapos ng dance rehearsal ni Rhian ay nakausap namin siya at tinanong namin kung bakit ngayon lang niya naisip na mag-concert gayung marunong naman siyang kumanta.
“‘Yung singing kasi hindi ko masyadong sineryoso kasi alam ko na actor ako, but recently, I’ve been wanting to (sing) like even online I dedicate songs to people and I find it really effective way to express yourself and I’ve been really to music now and hindi na siya gaanong joke sa akin,” masayang kuwento ng dalaga.
Ano ba ang genre ni Rhian sa music? “I don’t know, eh, kasi parang I like all, so I feel like baka pop, yes pop,” natawang sabi ng dalaga.
Anyway, isa si Rhian sa host ng Full Throttle kasama si Sam YG sa Fox Sports at Taste Buddies with Solenn Heussaff sa GMA News TV.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.