Magic ng tambalang KimErald buhay na buhay pa rin, nag-level up ang akting
SAYANG at hindi namin nakunan ng reaksyon sina Gerald Anderson at Kim Chiu pagkatapos ng special screening ng serye nilang Ikaw Lang Ang Iibigin na ginanap sa Trinoma Cinema 7 noong Linggo.
Hindi na namin nainterbyu ang dalawa dahil kaagad na silang inilabas ng marshalls sa sinehan. Hindi pa rin nawala ang chemistry ng KimErald pagkalipas ng walong taon masasabi naming nag-level na rin ang kanilang akting. Nakakakilig pa rin sila, iba talaga ang orihinal na loveteam.
Sa napanood naming isang linggong episode ng ILAI ay maayos ang pagkakalatag ng kuwento dahil buo at sakto ang pagkaka-build-up ng karakter ng bawa’t cast simula noong mga bata pa sina Kim at Gerald bilang Bianca at Gabriel; Nico Manalo (Olsen), Jake Cuenca (Carlos), Carla Humphries (na magiging si Bing Loyzaga), Bangs Garcia (na magiging si Ayen Munji-Laurel), Edgar Allan Guzman (bilang Daniel Fernando), Alex Castro (Dominic Ochoa) at TJ Trinidad (Michael de Mesa).
Pinabata lang sina Dante Rivero bilang lolo ni Kim at Gina Pareño na lola naman ni Gerald sa flashback.
Magkababata at bestfriends sina Carla (Bing) at Bangs (Ayen) pero dahil sa inggit ng huli kaya nawalan ng career ang una. Parehong track and field player sina Carla at Bangs na miyembro ng Philippine Team.
Pinagpipilian kung sino sa kanilang dalawa ang ipapadala sa ibang bansa.
Masugid na manliligaw naman ni Bangs si Edgar pero ayaw niya rito dahil ang type niya ay si Alex Castro na ang gusto naman ay si Carla kaya lalong nagtanim ng galit ang una sa kaibigan. At dahil makulit na manliligaw si Edgar ay sinabihan siya ni Bangs na sasagutin lang siya kapag nagawan nito ng paraan na siya ang ipadala sa Singapore para lumaban sa SEA Games.
Sa sobrang pagmamahal ni Edgar na isa ring atleta (pero hindi nakapasa sa SEA Games) ay nagpanggap siyang holdaper at pinaghahampas ang tuhod ni Carla na naging sanhi na pagkabaldado nito. Ang ending si Bangs ang ipinalit kay Carla at nanalo naman.
Nang dumating ng Pilipinas ang buong team ay siningil na ni Edgar si Bangs para sagutin siya pero dahil hindi niya talaga gusto ang binata kaya pinakulong niya ito kahit alam niyang buntis na siya at si Edgar ang ama. Ang pangarap kasi niyang makatuluyan ay ang mayamang businessman na si TJ Trinidad na nagkatotoo naman.
Fast forward: nagkakilala sa Zambales ang mga batang karakter nina Kim at Gerald hanggang sa maging matalik na magkaibigan. Ngunit hindi pa nila maamin sa isa’t isa na tila nagkakagustuhan na rin sila.
Lumaking mahilig din sa pagtakbo si Kim na minana sa inang si Bing na nagsilbi rin niyang coach.
Nagkahiwalay naman sina Gabriel at Bianca nang magkasakit ang tatay ng huli at mula noon ay hindi na sila nagkita.
Samantala, lumaki namang may galit sa kanyang ama si Carlos (Jake) dahil hindi niya nararamdaman ang pagmamahal nito (Michael de Mesa) at parati pa siyang pinagagalitan.
Bukod tanging ang inang si Maila (Ayen) ang gumagabay sa kanya kahit na anak ito ng asawa niya sa ibang babae. Sa kanyang paglaki nais niyang patunayan sa ama na kaya rin niyang maging matagumpay na businessman. At diyan niya huhugutin ang pagiging kontrabida niya sa kuwento.
Magkikita-kita ang karakter nina Kim, Gerald at Jake sa bandang dulo ng pilot week kaya siguradong mabibitin ang manonood.
Ang bilis ng kuwento ng Ikaw Lang Ang Iibigin at mas mabuting subaybayan na lang ito ng lahat bago mag It’s-Showtime. Ang ganda rin ng pagkakadirek nina Dan Villegas at Onat Diaz at ang gastos ng production, huh! Ang daming rain effect at aerial shots.
Kaya pala ang tagal nitong ginawa dahil sabi nga ni direk Dan, mahirap at matagal mag-mount ng isang triathlon series dahil masyado itong malaki.
Binati namin ang business unit head ng Dreamscape Entertainment na si Deo Endrinal dahil naibalik niya ang magic ng KimErald na matagal na hinintay ng lahat.
Ang saya-saya ng supporters nina Kim at Gerald na present sa special screening na may kanya-kanya pang dalang streamers. Ang sarap naman ng ngiti nina Kim at Gerald at ng buong produksyon dahil magaganda ang reaksyon ng audience.
Kudos sa buong cast ng Ikaw Lang Ang Iibigin na nagsimula na kahapon bago mag-It’s Showtime.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.