Julia: Ang ganda ng istorya ng buhay ko, ang ganda ng 2016 ko! | Bandera

Julia: Ang ganda ng istorya ng buhay ko, ang ganda ng 2016 ko!

Reggee Bonoan - December 30, 2016 - 12:45 AM

MARTIN SCHNITTKA AT JULIA MONTES

MARTIN SCHNITTKA AT JULIA MONTES

ITO ang ikalawang bahagi ng aming panayam sa handler ng Kapamilya drama actress na si Julia Montes tungkol sa pagkikita ng dalaga at ng kanyang amang si Martin Schnittka makaraan ang 21 taon.

Nag-iyakan ang mag-ama nang makapag-usap at makapagkuwentuhan ng mga naging buhay nila habang malayo sila sa isa’t isa.

“Ikinuwento raw lahat ni Julia ang nangyari sa kanya na bata pa siya ay siya na ang nagtatrabaho para sa pamilya niya, nag-artista siya para makatulong at para maipa-ayos ang bahay nila, mabigyan ng business ‘yung lola.

“Doon na raw umiyak ‘yung tatay ni Julia at panay ang hingi ng sorry kasi dapat daw siya ‘yung may obligasyon no’n. Parang sinabi na, ‘Pasensya ka na at umabot ka sa ganyan na dapat ako ‘yan.’ Kaya nag-iiyakan silang mag-ama at sinabi nga ni Julia na okay lang,” ang kuwento sa amin ng handler ni Julia na si Mac Merla ng Cornerstone Talent Management.

Tungkol naman sa naging relasyon ng kanyang mga magulang, “Mutual decision pala ang paghihiwalay ng mom and dad ni Julia kasi hindi nag-work out so since banyaga ang dad ni Julia kaya bumalik ng Germany, pero hinahanap daw siya matagal na rin, wala lang way kung paano.

“Plano naman daw bumalik ng Pilipinas kasama ‘yung German friend niyang nakakapagsalita na tumutulong sa kanya, kaso na-stroke kaya wala na talagang way para makita, e, alam mo naman, mahirap din para sa dad ni Julia na dead and mute kaya napagod na rin.

“Pero ni-research ng daddy niya si Julia kaya alam niyang artista ang anak at masaya siya. Marami raw tsina-chat ang daddy niya before na nagpapanggap na anak niya, hindi naman tugma sa mga information.

“Alam daw ng daddy niya na sikat siyang artista, pero wala raw hinihingi or anything at iniimbita siyang pumunta ng Germany next year kung kailan siya may time.

“Siyempre Christmas time kaya tinanong ko kung anong regalo niya, sabi ni Julia, ‘Kasi siyempre kuya Mac hindi ako sure kung siya nga talaga ‘yung dad ko kaya bumili ako ng relo na hindi naman ganu’n kamahal, pero hindi rin ganu’n kamura. Ayokong bumili ng masyadong mahal.

“Kaya nu’ng nagkita sila at nalaman niyang ‘yun na, wala na siyang choice kasi nabili na niya ‘yung relo. Next time raw bibilhan niya ng mahal na. Bukod sa relo ay gumawa si Julia ng memory bank na nandoon daw lahat ng pictures niya simula nu’ng bata siya para may memories siya sa daddy niya.

“At ang nakakatuwa pa ay kasundung-kasundo raw ni Julia ‘yung wife ng tatay niya ngayon as in, pati half-brother daw niya kasundo rin niya,” pagpapatuloy ni Mac.

After magkuwentuhan ang mag-ama ay dinala raw ni Julia sa bahay nito sa Quezon City kung saan naroon din ang ina at mga kapatid.

“Sabi ni Julia, ipinakita niya sa dad niya ang bahay na napundar niya at nagkita nga roon ang mommy niya at dad niya na nagulat siya kasi parang barkada raw na tawanan ng tawanan at kuwentuhan,” sabi ni Mac sa amin.

At dahil sa pangyayaring ito ay humingi raw ng bakasyon si Julia sa kanyang management sa 2017 pagkatapos ng seryeng Doble Kara para dalawin ang ama at pamilya nito sa Germany.

Hindi pa sigurado kung isasama ng aktres ang ina. Sabi pa raw ni Julia, “Ang ganda ng istorya ng buhay ko, ang ganda ng 2016 ko, akala ko hindi ko na makikita ang tatay ko, kasi buong buhay kong dadalhin ito sa dibdib ko.”

Nabanggit din naming pang-Maalaala Mo Kaya ang kuwento ng buhay ni Julia na sinang-ayunan naman ng handler ng aktres.

Huling tanong namin kay Mac kung ipinakilala na rin ni Julia si Coco Martin sa daddy niya? “Hindi raw, hindi raw! Ha-haha! Saka busy naman si Coco, walang time,” sagot sa amin.

Hmmmm, baka naman kasama si Coco sa pagpunta ni Julia sa Germany sa 2017 dahil malapit na ring matapos ang FPJ’s Ang Probinsyano.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Anyway, labis na nagpapasalamat si Julia sa CocoJul fans club na gumawa ng paraan para mahanap niya ang tatay niya, hinding-hindi raw ito makakalimutan ng dalaga habang nabubuhay siya.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending