P1.4-B inilaan ng gobyerno para sa PTV4, Radyo Ng Bayan, PIA
SA ilang minutong pakikipagtsikahan ng entertainment press kay Presidential Communication Officer (PCO) Sec. Martin Andanar ay nalaman naming may budget na P1.4 billion para sa rehabilitasyon ng PTV4, Radyo Ng Bayan at Philippine Information Agency.
Ipinaliwanag ni Sec. Andanar na palalakasin ng gobyerno at ng PCO ang nasabing state owned TV network pati na rin ang radio station ng pamahalaan na Radyo Ng Bayan at ang PIA.
Kuwento pa ng Press Secretary ng Duterte administration, “Mabigat po na responsibilidad dahil kung ano po ang sasabihin namin ay ‘yun po ang susundin ng bayan.
“At kung paano po kami magpapaliwanag, doon po kukunin ng mamamayan ang mga bagay-bagay na hindi klaro sa kanila lalong-lalo na po pagdating sa polisiya ng gobyerno.
“Number two, siyempre tayo po ay taong-gobyerno na at pinapasahod po tayo ng taumbayan gamit ang buwis ng bayan, so, kung gaano po tayo kaingat nu’ng tayo ay nasa pribadong sector ay mas maingat po tayo ngayon dahil dugo at pawis ng bawat mamamayan ang nagpapasweldo sa amin,” paliwanag ng Kalihim.
Nasabi pang 24/7 ang kanyang trabaho bilang secretary at laging on-call. Bukod sa Metro Manila ay palalakasin din ang PTV4 para sa mga probinsya at gagawin na ring digital, “Magtatayo rin po ng isang magandang television and radio complex sa Davao,” aniya.
“Para ito po ang magiging sentro o komunikasyon ng buong Mindanao. Then eventually, ‘yung pagpapaganda ng komunikasyon sa Cebu, sa Visayas na kailangang mayroon tayong broadcast hub ng radyo at telebisyon sa Visayas,” aniya pa.
Ang Radyo Ng Bayan ay palalawakin din at ang goal nila, mula sa mahigit 30 stations ay gagawin itong 57 stations nationwide in three years time. Kasama rin ang PIA at lalagyan ang mga probinsiyang wala nito kabilang na ang Jolo, Sulu.
Kasama na rin sa plano na pagandahin ang PNA (Philipppine News Agency) at National Printing Office (NPO). Kailangan daw bilhan ng bagong gamit at i-revitalize talaga ang mga naturang ahensya.
“Maraming pagbabagong dapat gawin at ako po’y nagagalak na sabihin sa inyo na bukod doon sa dating budget na inihanda ni dating Secretary Sonny Coloma ay naipapasa po natin sa kongreso rin ‘yung ating supplemental budget na P1.4 billion for next year,” ang sabi pa ni Sec. Andanar sa mga miyembro ng entertainment media.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.