Charo pwede pa ring ma-nominate bilang best actress sa 2017 Oscars
TODO ang papuring ibinigay kay Ms. Charo Santos-Concio ng kanyang mga co-star habang ginagawa nila ang award-winning film na “Ang Babaeng Humayo” directed by Lav Diaz.
Naikuwento nina Kakai Bautista at Mae Paner na mas kilala bilang si Juana Change sa presscon ng nasabing pelikula kamakailan na hindi nila naramdamang dating Presidente ng ABS-CBN si Ms. Charo.
Ibinahagi ni Mae na nang malaman niyang si Charo Santos ang magiging kaeksena niya, “Talagang napa-wow ako, tuwang-tuwa ako, so napaka-fun nu’ng aming experience ni Charo kasi hindi kami talaga magkakilala. Tapos first shooting day namin, nagtuturuan kami, binabantayan ko ‘yung paa niya.
“Sabi ko, ‘bakit ang puti-puti mo?’ I was so in love with the film plus alam naman natin kung gaano kahusay na artista si Charo, plus nanalo pa ng Golden Lion at kasama ako ngayon, and I am so-so honored. Isipin mo kasi, Charo Santos, nakikinig sa mga concerned sa kanya, e, wow.”
Hirit naman ni Ms. Charo, “But Mae, I am so thankful for your reminders on the set kasi kunwari ‘yung pagkilos na nakabukaka, ‘yung wala na.”
Kuwento naman ni Kakai, “Kasi hindi talaga ako na-inform kung sino ang kasama sa movie hanggang sa nasa hotel ako sa Mindoro at nagbi-breakfast biglang dumating si Ma’m Charo at nagulat ako, sabi ko, ‘ay siya pala!’ Tapos lumapit, ‘Hi Kai, kumain ka na ba?’ Nakatulala lang ako at sabi ko, ‘Ma’m Charo, kayo pala ang kasama ko rito, nakakaloka!’ Tapos lahat ng eksenang ginawa ko sa pelikulang ito siya ‘yung kaeksena ko.
“Tapos sa eksenang ang haba ng monologue niya pagkatapos tatanungin kami kung kumusta? Grabe ang husay ni Ma’m Charo tapos tatanungin kami kumusta? Wala kaming masabi. Bukod sa araw-araw akong starstruck sa kanya, parang si Mama Mary na ng bumaba sa lupa.
“Napaka-soft spoken pa, parang laging may binabasang sulat, sobrang nakakatuwa, kasi sa lahat ng makakatrabaho mo, Charo Santos pa! Para siyang jologs na sosyal!” sabi pa ni Kakai.
Ang sagot naman ng dating top executive ng Dos, “You always have to play your part, di ba, e, kung talent ka, di talent ka, kung namumuno ka, iba rin naman ang expectations sa ‘yo, hmmmm, mahirap ba ‘yun?”
Nagbigay rin ng reaksiyon si Ms. Charo sa paglalabas ng sama ng loob ni direk Lav Diaz sa kawalan ng suporta ng pamahalaan sa movie industry. Mas pinapaboran daw kasi ng gobyerno ang mga beauty queen at atletang nananalo sa international competitions.
“I guess, I think it’s a reality that cinema is way below on the list of priorities…nakakalungkot. We’re hoping, people from the industry are really just hoping that the government will also give the same value and the same support to the cinema industry as they do to others,” aniya pa.
At hindi man pinalad na mapili para maging official entry ng Pilipinas ang pelikulang “Ang Babaeng Humayo” sa 2017 Oscars for Best Foreign Language Film category, pwede namang ma-nominate si Ms. Charo para sa kategoryang Best Actress.
Paliwanag ng Cinema One Originals head na si Ronald Arguelles (producer ng movie), posible pa ring ma-nominate bilang best Actress sa Oscars ang aktres kung magkarooon sila ng screening sa US na kasalukuyan na nilang inaayos ngayon.
Mapapanood na sa mga sinehan ang “Ang Babaeng Humayo” sa Set. 28 nationwide.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.