Yeng: Baka mamatay na ako sa sobrang saya!
NABIGYANG-BUHAY ni Via Antonio bilang si Josephine ang mga awitin ni Yeng Constanino sa musical play na “Ako Si Josephine”.
Napanood namin ito nang magkaroon ng special preview sa PETA Theater noong Martes ng gabi. Bago pa man magsimula ang play ay nagpauna na ang stage director nitong si Maribel Legarda na technical rehearsal pa lang ito at hindi pa gaanong pulido sabay hingi ng dispensa.
Okay naman ang show, malinaw at klaro ang mga boses ng mga nagsiganap, lalo na sina Via, Joaquin Valdes (bilang si Chinito), Teetin Villanueva (as Helena), at siyempre si Jon Santos (bilang si Monotomia).
Ang napansin lang naming hindi pa pulido ay ang wardrobe ng cast dahil may masisikip at may maluluwang lalo na sa supporting cast. Pero ‘yung kay Jon at sa mga kasama niyang kontrabida ay perfect naman.
Medyo maliit ang stage, kami ang nababahala na baka may malaglag dahil may production number na magkakasama ang lahat at nagkakabanggaan na.
Futuristic ang dating sa amin ng kuwento nito na idinaan sa mga musika ni Yeng, pero makaka-relate naman ang manonood dahil tungkol ito sa pagmamahal sa pamilya, kaibigan at pag-ibig.
Anyway, nabitin kami sa mga kanta ni Yeng dahil umabot lang ito sa 20, ang alam kasi namin ay mahigit pa rito ang nasulat na niya. Napansin din naming naluluhang nakangiti si Yeng katabi ang asawang si Victor Asuncion habang nanonood sila.
Pagkatapos ng palabas ay hiningan ng reaksyon si Yeng sa napanood niya, “I feel so blessed, grabe sobrang ganda lang, hindi ko alam ‘yung nararamdaman ko, parang itong gabing ito, naabot niya ‘yung rurok ng kaligayahan ko. May iaangat pa rito baka mamatay na ako sa sobrang saya ko talaga. The whole musical tina-try kong huwag umiyak just to see everything, pero hindi ko mapigilan.”
Pinuntahan din ni Yeng si Via na gumanap bilang si Josephine para batiin. Kuwento ni Via kay Yeng, “Pag nag-loosen up siya (okay na), ngayon, medyo pababa (kabado).” Sabi naman ng Pop Rock Princess, “Kinakabahan pa kayo no’n? Sobrang ganda na.”
Hiningan din ng reaksyon si Via ngayon maraming pumuri sa show nila, “Ano po, parang nakapanganak na, siyempre po, after three weeks of extensive rehearsals, talagang lahat ng collaboration ng lahat ng tao, kasi ngayon lang unti-unting nabubuo ‘yung process ng theater but as always, enjoyable po talaga.
Parang nakahinga na, start na kami sa September 8 (Huwebes),” nakangiti pero halatang kabadong kuwento ni Via.
Reaksiyon naman ni Yeng sa performance ni Via, “Nu’ng nakita ko siya tonight, sabi ko, ‘hindi ako nagkamali, kumikinang siya on stage na it’s about Josephine. Ako si Josephine, sobrang lutang siya, sobrang charming. Nu’ng nabasa ko ‘yung script, talagang nabigyan mo ng buhay, ang galeng. I’m a fan!”
Tatakbo ang “Ako Si Josephine: The Musical” hanggang Oct. 9 (Thursdays to Sundays) handog ng Cornerstone Music.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.