Antoinette Jadaone sa teleserye ng JaDine: Grabe! nakaka-pressure!
KALIWA’T kanan ang papuri ng mga nakapanood sa pelikulang “Camp Sawi” ng baguhang direktor na si Irene Villamor under Viva Films at N2 Productions.
Iisa ang nababasa naming rebyu, ang galing daw ni direk Irene at mas magaling pa raw siya kaysa kay direk Antoinette Jadaone.
Kaya naman pagkatapos ng Q and A presscon para sa seryeng Till I Met You ay hiningan namin ng reaksyon si direk Tonette tungkol sa sinasabing mas magaling sa kanya si direk Irene.
Sina direk Tonette at Irene ay parehong protégé ni Binibining Joyce Bernal at inamin ng una na mas magaling nga talaga ang direktor ng “Camp Sawi.”
“Alam n’yo, hindi lang nabibigyan si Irene (ng chance), mas nauna lang siguro ako nabigyan ng opportunity na magdirek, pero actually, magaling talaga si Irene.
“As in magaling talaga siya. Nu’ng pumasok ako as script con (consultant), si Irene, matagal na siya kay direk Joyce, so nag-start din siya as script con kung paano rin ako pumasok kay direk Joyce.
“Nu’ng pumasok ako kay direk Joyce, nawala ‘yung assistant director niya, at naging AD si Irene, tapos ako script con pa rin. So, si Irene, matagal na siya kay direk Joyce na nag-AD.
“Panahon pa ng mga Piolo (Pascual) at Juday (Judy Ann Santos sa ‘Till There Was You’ at ‘Don’t Give Up On Us’, magaling talaga si Irene kasi siya ay very emotional director, sobrang sincere, very passionate at nakita ko ‘yun sa ‘Relaks, Its Just Pag-ibig’, sa aming dalawa ‘yun, co-writer and co-director kami. Pero ako lang ‘yung nababanggit noon.
“Kaya sobrang happy ako sa ‘Camp Sawi’ for Irene. Sobrang happy talaga ako at pumapalakpak talaga ako for her,” masayang kuwento ni direk Tonette.
Kaya sabi namin dapat may follow-up agad si direk Irene habang mainit pa siya ngayon, “Actually, gusto pa ulit ni Irene mag-pelikula, marami siyang nakabangko (script),” sabi pa ni Tonette.
Hindi ba type ni direk Irene gumawa ng teleserye? “Hindi ko alam, sinasabi ko nga sa kanya mag-serye siya, pero siguro may ganu’n talaga kapag kunyari, kaka-break (launching movie) mo palang sa pelikula, nandoon ka pa sa high ng movie, gusto mo gumawa ulit.”
Sabi namin kay direk Tonette na kanya-kanyang katwiran talaga ang direktor, ‘yung iba, mas type mag-TV lang, samantalang ‘yung iba, mas gusto gumawa ng pelikula. Sagot ng TIMY direktor, “Kasi siguro mas love nila ang TV kaya ayaw mag-pelikula. Kasi kapag love na love mo ang isang bagay, parang mahirap umalis sa comfort zone mo.”
“Like nu’ng pelikula palang, ang tagal ko nagpelikula parang takot na takot akong mag-TV kasi baka may mali ako (gawin),” aniya pa.
Pero tagumpay naman siya sa kanyang first TV project, ang On The Wings Of Love, “Natulungan kasi ako ng mga taong nasa paligid ko.”
q q q
Dahil busy na ulit sa TIMY si direk Tonette ay malabo na naman siyang makagawa ng pelikula, “Oo, wala muna kasi baka mamatay na ako,” napangiting sagot nito.
Sa madaling salita, isang taon tayong maghihintay para mapanood muli ang pelikula ni direk Tonette dahil siguradong mahaba ang Till I Met You, “Ha-hahaha! Hindi naman, hindi ko alam. ‘Wag naman, gusto kong gumawa ng indie film,” sabi niya sa amin.
Ayaw ba niyang ma-extend nang ma-extend ang bagong serye nina James Reid at Nadine Lustre? “Depende sa kuwento, pangit naman kung ini-extend lang dahil kailangan.”
Dagdag pa niya, “Nami-miss ko na rin kasi mag-indie, kasi last indie ko, ‘That Thing Called Tadhana’ pa, ang tagal na.”
Teka, bakit mas feel ni direk Tonette ang indie movie kaysa sa mainstream, e, mas may pera rito? “Mas maraming compromise kasi kapag mainstream, sa indie, walang pera, pero in some magic may nagagawa maski wala kang budget,” katwiran niya sa amin.
Tungkol naman sa bagong seryeng Till I Met You, inamin ng direktora na pressured siya rito dahil tiyak na ikukumpara ang programa sa On The Wings Of Love na unang serye nina James at Nadine. Kasama rin sa TIMY ang baguhang si JC Santos.
“Kasi di ba usually, ‘yung second project ‘yung follow-up ang mas tinitingnan kung ano (mas maganda). Nakaka-pressure lang kasi siyempre, tapos second slot na siya (pagkatapos ng Ang Probinsyano) so ibig sabihin mas maraming makakapanood. So, coming from the success of OTWOL parang may ine-expect silang standard,” paliwanag ni direk Antoinette.
Mas hihigitan ba ng TIMY ang OTWOL in terms of kuwento at kilig?
“Ayokong mag-expect, pero so far kasi ‘yung excitement ko rito parang ‘yung excitement ko rati sa OTWOL, so, I think good sign ‘yun,” pahayag ni direk Tonette.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.