Joey: Ako yung tatay na may pride, ayokong umasa sa mga anak ko!
HINDI nakasipot si Joey Marquez sa grand presscon ng pelikulang “Barcelona: A Love Untold” dahil na-late siya at balita namin ay nahiya na siyang pumunta pa sa stage.
Kaya naman nagkaroon siya solo interview siya sa Tonight With Boy Abunda noong Huwebes. Gagampanan ni Joey ang papel na ama ni Daniel (Eli) na may bagong pamilya at umaasa sa suporta ng anak na buhayin ang pamilya nila dahil hindi na siya makapagtrabaho dahil sa kapansanan.
Ayon kay Tsong Joey ay narito lang sila sa Pilipinas at pinapadalhan ni Daniel na nagtatrabaho sa Barcelona kaya wala siyang masyadong eksena kasama ang batang aktor. Sa panayam ni kuya Boy kay Joey ay nalaman naming first time niyang makatrabaho si Direk Olive Lamasan sa tagal niya sa industriya.
“Oo, nu’ng in-offer nga sa akin ito at sinabing si direk Olive ang direktor, sabi ko, kahit na anong istorya, okay ‘yan, kasi alam ko naman at saka ang perception ko sa kanya, perfectionist siya at magaling siyang mag-motivate sa artista and as an old timer na artista, ang alam ko ay hindi ko pa alam ang lahat, kaya gusto ko pa ring matuto,” paliwanag ni Tsong Joey.
At tungkol naman kina Daniel at Kathryn Bernardo ay inamin ni Tsong Joey na naiinggit siya kapag nakikita niya ang dalawa. Natanong din si Joey bilang ama kung ano ang pagkakaiba niya bilang tatay ni Daniel sa pelikula at sa totoong buhay.
“Siguro sa tunay na buhay, ako ‘yung amang may pride na hindi aasa sa mga anak ko. Parati kong sinasabi sa kanila, what is mine is yours, what is yours is yours,” ani Tsong.
“Napaghandaan ko naman ang buhay ko, kailangan, eh, kasi ang pinakamahirap sa buhay, matanda ka na, wala ka pang mapuntahan, wala ka pang magastusan at umaasa ka pa, napakasakit no’n,” magandang sabi ng aktor.
Masaya naman daw ang personal life ng aktor ngayon dahil, “I’m seeing someone. I’m proud to say that I am with someone.”
Wala namang pangalang binanggit si Joey tungkol sa babaeng nagpapasaya ng puso niya ngayon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.