Dasal ni Aiko para sa KathNiel: Sana huwag maudlot ang relasyon n’yo
PAKIRAMDAM ni Aiko Melendez ay back-to-zero ulit siya in terms of acting sa muling pagta-trabaho nila ni Direk Olive “Inang” Lamasan dahil ilang beses siyang na-take.
Unang nagkatrabaho sina Aiko at direk Olive noong 1994 sa “Maalaala Mo Kaya The Movie” na unang pelikula ni Inang.
Kuwento ni Aiko, “Sabi nga ng KathNiel (Kathryn Bernardo at Daniel Padilla), nakaka-pressure, ako sa tagal ko sa industriya, bumalik na naman ako. Dito lang sa pelikulang ito (Barcelona: A Love Untold) nag-take 13 ako sa buong buhay ko at hindi pa siya breakdown or ano, napakasimpleng scene lang namin ni Kath.
“Take 13 kasi sobrang busisi kasi at talagang bawa’t artista sa pelikulang ito, binigyan ng kanya-kanyang highlight. Kaya pag sinabing Inang Olive na may movie ka, ako nu’ng in-offer sa akin ito sabi si Inang ang direktor, hindi ko na muna binasa ang script, ‘sabi ko, ay si Inang, okay go.’ Kahit ano pa ‘yan, go,” ani Aiko.
Tiyahin ni Daniel ang papel ni Aiko sa “Barcelona” at tinanong kung kontrabida siya rito, ang mabilis niyang sabi, “Ay no! I will never be, papatayin ako ng KathNiel, I don’t like. I’m very nice, the KathNiels will love me.”
Paano ikukumpara ni Aiko ang KathNiel loveteam sa ibang tambalan noong panahon niya, “They (KathNiel) really remind me of the Aiko-Aga (Muhlach) days, ‘May Minamahal’ (1993), nakikita ko ‘yung sobrang sweetness nila and hindi natin masisisi talaga kung may maramdaman silang more than friendship as of now because ‘yung role na pino-portray nila (sobrang in love).
“Di ba nga nagkaroon ako ng first boyfriend sa ‘May Minamahal’ sa katauhan ni Aga kaya naiintindihan ko ‘yung pinagdadaanan nila, kaya sana huwag naman maudlot ‘yung sa inyo, kasi ‘yung sa amin (Aiko at Aga), naudlot, so ‘yun lang ang prayers ko,” ani Aiko.
In fairness, super sikat si Aiko noong 90’s at masasabing ka-level niya ngayon si Liza Soberano na halos lahat ay bukambibig ang kagandahan niya. Puring-puri rin ni Aiko ang KathNiel pagdating sa trabaho dahil ang babait daw at propesyunal.
Kuwento ng aktres, “I’ve gained a new baby girl in Kathryn. DJ will always have a special place in my heart. I’ve always said this to Andre (anak nila ni Jomari Yllana). ‘Andre, kung may idol ka na artista sa generation nila, gusto ko si Daniel Padilla ‘yun. Hindi lang dahil sa popularity niya.
“Like I said, ang acting napag-aaralan ‘yan, pero ang pag-uugali kahit tumanda sila dala-dala nila ‘yan. I will always have special words for both of you even ito ang first and last movie ko sa inyo. I love you both.”
Mapapanood na ang “Barcelona” sa Sept. 14, makakasama rin dito sina Joshua Garcia, Ana Capri, Joey Marquez, Cris Villanueva, Liza Dino at Ricky Davao under Star Cinema.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.