‘Oo umiinom si Vice, pero hindi siya gumagamit ng party drug!’
IDINEPENSA ng ilang katrabaho at kaibigan ang TV host-comedian na si Vice Ganda sa kumakalat na tsismis na isa siya sa mga kilalang celebrities na diumano’y gumagamit ng party drug na ecstasy.
Habang isinusulat namin ang balitang ito kahapon ay hinihintay pa rin namin ang komento ni Vice tungkol sa nasabing isyu na naibalita rin sa isang radio program kahapon.
Kabilang din sa mga nabanggit na pangalan na gumagamit diumano ng party drug pill ay ang It’s Showtime host na si Billy Crawford. Wala pa ring statement ang boyfriend ni Coleen Garcia tungkol dito. Pero ayon sa isang source, imposible rin daw na gumagamit ng drug pill ang TV host-comedian.
Depensa ng ilang followers ni Billy sa social media, naniniwala sila na hindi involved ang Kapamilya actor sa droga dahil maganda ang impluwensiya rito ni Coleen. Kung matatandaan, ilang beses na ring sinabi ni Billy na wala na siyang bisyo ngayon.
Nu’ng araw na lumabas ang balita ay nasa Hongkong si Vice at kung hindi kami nagkakamali ay diretso na sila ng New York City, USA kung saan kasama siya sa invited guest kabilang sina Coco Martin at Xymon “Onyok” Pineda sa “ASAP20, Live In New York” concert sa Sept. 3 na gaganapin sa Barclay Center, Brooklyn.
Isang malapit kay Vice ang nakausap namin, aniya, nagulat daw sila nang lumabas ang nasabing balita, “Hindi gumagamit si Vice ng party drugs, social drinking lang ‘yun, saka paano siya makakaawra (makakapag-flirt) kapag ngenge na siya?”
Tinanong din namin ang isa pang kasama lagi ni Vice tungkol sa akusasyon sa komedyante, “Alam mo napakaimposible talaga, si Vice pa, e, galit nga ‘yan sa mga gumagamit. Saka maski i-check nila, wala siya sa watchlist, ‘no?”
Sinubukan din naming i-text si Vice kahapon habang tinitipa namin ang balitang ito, pero hindi pa niya kami sinasagot. Samantala, base naman sa report ng ABS-CBN ay nakapagpa-drug test na raw ang 40 artists ng Star Magic at tatlong artista pa lang ang may 100% negative result at ito’y sina Jake Cuenca, Diego Loyzaga at Enrique Gil.
Ang mga hindi pa pinangalanang 37 artists ay muling dadaan sa iba pang series of tests. Bilang Star Magic talent din si Arjo Atayde ay pinatanong namin sa kanyang inang si Sylvia Sanchez kung anong resulta ng drug test ng binata, “Hindi raw natuloy kasi may taping sila ng Probinsyano noong Sabado, ire-schedule raw,” sabi sa amin ng aktres.
Going back to Vice, kailangan niya sigurong bumalik agad ng Pilipinas pagkatapos ng concert ng ASAP sa New York para maidepensa na niya ang kanyang sarili sa isyu ng droga. Bukod pa riyan, kailangan na rin nilang tapusin ang pelikula nila ni Coco Martin para sa Star Cinema para umabot sa deadline ng 2016 Metro Manila Film Festival.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.