PNP Chief Bato tinupad ang wish ni Coco; Ang Probinsyano tatagal para raw ng 6 years
NATUPAD na ang pangarap ni Coco Martin na makilala nang personal si PNP Chief Dir. Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa. Gusto kasi niyang humingi ng payo kung paano pa makakatulong ang programang FPJ’s Ang Probinsyano sa pagsugpo ng krimen sa bansa.
Nabanggit ito ni Coco nu’ng magpa-thanksgiving presscon kamakailan ang Dreamscape Entertainment para sa programa na nananatiling number one sa ratings game.
Ilang araw lang ang nakalipas ay heto’t nakilala na ni Coco si PNP Chief Bato noong Miyerkules sa opisina nito mismo sa Camp Crame.
Ayon sa PNP Chief, “Maganda ang ginagawa ninyo sa Ang Probinsyano. Bumabalik ang kumpiyansa ng mga tao sa mga pulis. Sana tuloy-tuloy na iyan.”
Kaya naman masayang-masaya si Coco na naa-appreciate ng mga tao at ng PNP mismo ang kanilang maliit na kampanya laban sa krimen. Sa mga sinabi nga ng heneral ay mukhang maraming taon pa tatagal sa ere ang serye ni Coco.
Nagbiro nga kami na baka abutin pa ng anim na taon ang FPJ’s Ang Probinsyano kasabay ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sumasabay din kasi ang episodes ng Ang Probinsyano sa mga kasalukuyang nagaganap sa bansa, tinatalakay kasi ng serye ang illegal drug trade, prostitution, police corruption, child abductions at ang kasalukuyang umeereng pagpatay sa mga kilalang tao.
Samantala, na-starstruck daw si Coco kay PNP Chief Dela Rosa, “Nakakatuwa na napaka-down-to-earth niya at napakasimple. Nagpasalamat din po ako sa suporta na ibinibigay sa amin ng PNP, sa tulong na ipinagkakaloob nila sa amin.
“Nagpapasalamat din sila na dahil sa soap opera na ginagawa namin eh, naibabalik ang tiwala at pagmamahal ng mga tao sa pulis. Honestly, napakasarap po sa pakiramdam. Talaga pong pinaghihirapan namin ang aming trabaho.
“At bukod pa roon, para po sa amin, masarap sa pakiramdam na nakakatulong kami sa ating gobyerno at sa sambayanan para masugpo ang kriminalidad dito sa Pilipinas,” pahayag ng aktor ng makapanayam ng TV Patrol.
Reply, Reply All or Forward |Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.