‘Hayop ang mata ni Arjo! Bagay sila ni Coco!’
NASA isang malaking kumpanya kami sa Makati City kamakailan, at halos lahat ng kausap naming empleyado roon ay maiinit na pinag-uusapan ang mga huling eksena sa FPJ’s Ang Probinsyano ng ABS-CBN.
Iisa ang tanong nila – bakit daw pinatay na agad si Lolo Delfin na ginagampanan ni Jaime Fabregas. At dahil alam nilang may kakilala kami sa ABS-CBN ay tinanong nila kung bakit dead agad ang karakter ng lolo ni Cardo (Coco Martin) sa serye.
Nabanggit din nilang magpapalagay na raw sila ng TV plus sa mga sasakyan nila para mapanood nila ang FPJ’s Ang Probinsyano dahil madalas ay inaabutan sila sa kalye kapag ipinapalabas na ang serye ni Coco kaya bigla kaming tinanong kung may discount na ba ang TV plus ngayon.
Tumawag kami kay Myan Vera Marucut ng ABS-CBN Corporate Communication para alamin ang tungkol sa discount ng TV plus, at ipinasa niya kami sa taong in-charge rito.
Sinabi namin sa mga empleyado ng nasabing kumpanya ang tungkol sa pagbili ng TV plus at sila na raw ang makikipag-coordinate.
Samantala, humanga ang mga kausap naming empleyado kay Arjo Atayde bilang kontrabida ni Coco sa Ang Probinsyano.
“Hayup ‘yung mata nu’ng Arjo, lahat nagkakasayahan, siya nakangiti pero mapakla at ‘yung mata lang niya ang gumagalaw.
“Tapos ‘yung eksenang nabaril si Lolo Delfin, lahat aligaga at nag-iiyakan na, ‘yung Arjo, wala lang, nakatingin lang. Magaling siyang kontrabida talaga, bagay sila ni Coco magsama sa pelikula,” sabi sa amin na ayaw namang ipabanggit ang pangalan.
Napanatili pa rin ng Ang Probinsyano ang pagiging number one sa buong bansa base sa datos ng Kantar-Media sa national TV rating nito na 42.4% noong Lunes kumpara sa bagong programang Encantandia na nagtala ng 21%; sa Rural ratings naman ay nagtala ng 45.2% ang FPJAP at 18.8% naman ang fantaserye ng kabilang network; 38.4% naman sa Metro Manila at 24.1% at sa Mega Manila ay 34% at 28.8% naman in favor lahat sa aksyon serye ni Coco.
Panalo rin ang FPJ’s Ang Probinsyano noong Martes na nakakuha ng datos na 44.2% at ang kalabang programa naman ay 19.6%.
Hindi naman nakapagtatakang manalo ang programa ng Dos dahil top trending topics ang salitang Probinsyano at official hashtag na #FPJAPUltimatum sa Twitter noong Lunes. Parang pelikula ang episode ng AP noong Lunes dahil maganda ang pagkakagawa ng kuwento nito.
Maraming aral na napupulot ang buong pamilya tulad ng pagtutulungan at pananatiling matatag at nagkakaisa at siyempre maganda ang imahe ni Cardo bilang tagapagligtas at tumutulong sa nangangailangan at sa kapulisan.
Malayo pa ang itatakbo ng FPJ’s Ang Probinsyano kaya mas natsa-challenge lalo si Coco bilang Cardo sa mga bubuuin nilang episodes at mga susunod pang guests na pawang malalaki ang pangalan sa showbiz.
Puring-puri rin ng Dreamscape Entertainment si Coco dahil sumasali rin ito kapag nag-uusa-usap ang creative team para lalong gumanda ang kuwento ng bawa’t episode.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.