Anak nina Romnick at Harlene sinuntok ng kaklaseng lalaki
SA bagong bukas na Salu Restaurant sa Scout Torillo Street, Q.C. ginanap ang salu-salo ng entertainment press na nagdiwang ng kanilang kaarawan simula sa buwan ng Abril hanggang Hulyo na taunang ginagawa ni Q.C. Mayor Herbert Bautista.
Naroon si Konsehal Hero Bautista bilang representative ni Mayor Bistek na personal ding inasikaso ang mga kaibigan nila sa entertainment media. Pagkaing Pinoy mula sa iba’t ibang rehiyon or regional dishes ang nasa menu ng restaurant. Ayon kay Harlene sadya nilang binuo ang ganitong klaseng konsepto para walang katulad at authentic ang dating.
“Last June 9 kami nag-open, okay at maraming pumupunta at bumabalik, nagustuhan nila ‘yung food at ‘yung service,” ani Harlene. Iba’t ibang klase ng disenyo ang makikita sa SALU Restaurant dahil hinati ito sa tatlong pulo, Luzon, Visayas at Mindanao.
At dahil malaking restaurant na ang pinasok ni Harlene ay tinanong namin kung nag-aral siya ng culinary dahil para kung magkaroon man ng emergency ay puwedeng siya ang pumalit sa kusina.
“Nagpapaturo naman ako sa aming executive chef,” sabi pa ng dating aktres.
“Ang chef namin ay si Chef Janjie (Ocoma), siya ‘yung known as lakwatserong kusinero. Tinu-tour niya talaga ‘yung buong Pilipinas para aralin ‘yung regional cuisine. May mga chef din kami sa kitchen namin na from Mindanao talaga, mga Muslim sila para authentic talaga ang sine-serve namin,” kuwento ng misis ni Romnick Sarmenta.
Naikuwento rin ni Harlene na noong bakasyon daw ay pinag-OJT nila sa kusina ang panganay niyang lalaki para matuto ng kanilang business. Binibigyan nila ng allowance ang bagets bilang incentive. Theater arts daw ang kurso ng panganay nila sa UP at mahilig sa music. Home school din ang mga anak nina Romnick at Harlene dahil nabu-bully daw noong nasa regular school ang mga ito.
“Home school sila, pero pumapasok sila everyday sa isang tutorial center tapos may mga classmates din sila ro’n. Galing silang regular school, ito kasing babae (second child), na-bully siya ng lalaki sinuntok siya sa tiyan tapos pinapaiyak siya, kaya nilipat namin.
“Hindi naman agad nagsabi at hindi namin nakita kaya hindi na-report. First few months nila, talagang ayaw nila (home school) pero nu’ng moving up day, nag-speech sila na ito raw ‘yung best nila in schooling, talagang best decision daw that we made for them, nakakatuwa,” masayang kuwento ng ina ng limang anak ni Romnick.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.