HINDI nga sanay si Sylvia Sanchez na maging bida sa isang teleserye dahil nga palagi lang siyang suporta sa mga bida.
Ito ang napansin ng lahat ng entertainment press na dumalo sa grand presscon ng seryeng The Greatest Love ng ABS-CBN nang lumakad na si Ibyang sa red carpet. Dire-diretso lang kasi siyang naglakad at hindi huminto para sa photo-op ng kanyang malaking poster.
Hindi naman ito itinanggi ng aktres, “Malay ko ba na may photo-op, dati naman kasi dire-diretso lang ako maglakad, saka ilang beses lang naman ako uma-attend ng presscon, usually mga bida lang naman ang kasama sa presscon,” sabi pa ng aktres.
Nakakatawa nga rin bossing Ervin dahil nu’ng ipinakilala na isa-isa ang cast ng The Greatest Love paakyat ng stage sa Dolphy Theater ng ABS-CBN ay huling tinawag si Ibyang at parang robot na tumayo at nag-bow sa audience at dahil kilala nga namin siya, alam naming kumakabog ang dibdib niya nu’ng mga oras na ‘yun.
“Oo, wala pa talaga sa utak ko na bida ako, hindi pa nagsi-sink in, ilang beses na nga ako sinasabihang bida ako dito, oo lang ako nang oo,” aniya. Nu’ng ialok kay Ibyang ang The Greatest Love ay nakatitig lang daw siya sa mga kausap niya at wala siyang maisagot. Hanggang sa story conference ay nakatitig lang siya sa nagpapaliwanag kung ano ang role ng bawa’t isa at nu’ng tapos na raw i-explain lahat ay tinanong ang cast kung ano ang masasabi nila.
“Ang nasabi ko lang sa kanila, ‘Isa lang request ko, puwedeng malinis lagi ang CR o banyo sa location?’” “Wala akong masabi, ang ganda ng kuwento, ang gagaling ng mga kasama ko, ang linaw ng itatakbo ng kuwento ng Greatest Love kaya ‘yun na lang nasabi ko, dapat malinis ang CR,” natawang sabi ni Ibyang.
Marami kaming natanggap na mensahe mula sa mga kakilala at kamag-anak namin sa ibang bansa na pawang mga TFC subscribers, inaabangan na talaga nila ang The Greatest Love dahil nakaka-relate sila sa kuwento ng nanay na may Alzheimer’s disease. As of now ay hindi pa binanggit kung kailan ang airing ng The Greatest Love sa direksyon ni Dado Lumibao, pero ang malinaw na sabi sa amin ay “very soon”.
Kasama rin sa seryeng ito na gaganap bilang mga anak ng karakter ni Ibyang, sina Aaron Villaflor sa papel na adik at single dad, Andi Eigenmann ang mabait na anak pero may saltik, Matt Evans na bading at malapit sa kanyang ina, Dimples Romana, ang panganay na anak na galit na galit sa kanyang ina at si Joshua Garcia, nag-iisang apo at malapit na malapit sa kanyang lola.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.