Mother Lily nag-submit ng 3 pelikula sa 2016 MMFF, makapasok kaya lahat?
BONGGA pala talaga ang “I Love You To Death” ng Regal Entertainment nina Kiray Celis at Enchong Dee, pareho raw kasi ang kinita nito sa first day ng “Love Is Blind.”
‘Yun lang, nasa 140 to 150 theaters palabas noon ang “Love Is Blind” nina Kiray at Derek Ramsay, samantalang ang “I Love You To Death” ay nasa 50 theaters lang sa unang araw at nagdagdag naman ng 30 sinehan sa ikatlong araw. “Dami kasing nagbukas na foreign films,” sabi sa amin ng taga-production.
Samantala, todo ang pasasalamat nina Kiray at Enchong sa kanilang fans, nakailang block screening na pala ang ChingKi movie at parating full house. Sabi ng aming kausap, “Grabe, ang daming fans ni Enchong, nakakatuwa sila, sobrang love rin nila si Kiray.” Sagot naman namin, “Ang tagal kasing nawala ni Enchong, ngayon lang siya bumalik sa pelikula kaya sobrang na-miss siya ng tao, plus ‘yung fans ni Kiray din.”
Anyway, bongga si Mother Lily Monteverde dahil magkakasunod ang mga pelikula ng Regal, pagkatapos ng “I Love You To Death” ay ang pelikula naman nina Joseph Marco at Alex Gonzaga na “My Rebound Girl” ang susunod na ipalalabas directed by Emman dela Cruz. Samantala, tatlo ang isinumiteng entry ng Regal para sa 2016 Metro Manila Film Festival, ang “Mano Po 7”, “Our Mighty Yaya” at “Puwera Usog”.
Sabi nga namin sa taga-production, sana mapili ang tatlo lalo na yung kay Ai Ai delas Alas na “Mighty Yaya”. Pero kapag na-approve lahat ang tatlong entries ng Regal, hindi kaya sumakit ang ulo ni Mother Lily dahil kailangan niyang tapusin lahat ng pelikula bago mag-Oktubre na deadline ng submission ng finish product?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.