Sylvia regalo kay Angge ang pagbibida sa The Greatest Love
NAGULAT ang mga nakapanood ng trailer ng bagong serye ng ABS-CBN na The Greatest Love na ang kuwento ay tungkol sa isang nanay na may alzheimer na gagampanan ni Sylvia Sanchez. Bida na ba si Ibyang sa The Greatest Love? Ito ang aming naitanong nang mapanood namin ang trailer. Pagkalipas kasi ng 27 years sa showbiz ay ngayon lang magkakaroon ng sariling serye si Ibyang.
Ang saya-saya nga ng aktres nang makausap namin habang nagpi-pictorial siya sa Quirino, Isabela noong Sabado para sa gagamiting poster ng The Greatest Love. Kuwento ni Ibyang, “Nagulat kayong lahat? Hindi ko talaga ito sinasabi kasi baka hindi matuloy, pero heto na kaya natutuwa ako, nagustuhan n’yo ba ang trailer?
“Hindi naman talaga ako nangarap maging bida, kasi sinabi ko naman talaga sa Kanya (Diyos) at sa sarili ko na gusto ko kontrabida lang para steady lang, pero sobrang abot hanggang langit ang pasasalamat ko kasi nagkaroon ako ng show na ako ang bida, blessing! Sobra-sobra!” masayang tinig ng aktres sa kabilang linya.
Sana raw ay gumising na ang manager niyang si Tita Angge dahil ito ang pangarap ng dating komedyana sa kanya, “Siyempre, sana gumising na si Tita A, kasi gusto kong makita ang reaksi yon niya, ito kasi ang pangarap niya para sa akin noon pa. Siya ang manager ko for 27 years. Usapan namin, sa hirap at ginhawa, magkasama kami, kaya sana gumising na siya kasi alam ko masayang-masaya siya.”
Samantala, mahigit 400 na ang nabasa naming magagandang komento tungkol sa The Greatest Love simula nang i-post ito sa YouTube, panahon na raw na magkaroon ng istorya tungkol sa ina. Kung hindi kami nagkakamali ay ngayon lang magkakaroon ng seryeng iikot ang kuwento sa taong maysakit na alzheimer ang main story at hindi subplot lang.
Kung walang aberyang mangyayari ay ngayong araw ang immersion ni Ibyang para mapag-aralan daw niya ang mga kilos at ugali ng may alzheimer. As of this writing ay walang ibinigay pang detalye kung kailan ito ipalalabas. Makakasama ni Sylvia sa serye sina Dimples Romana, Andi Eigenmann, Matt Evans at Aaron Villaflor mula sa direksyon ni Dado Lumibao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.